Kabanata 32

1 Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon nang ikasangpung taon ni Sedechias na hari sa Juda na siyang ikalabing walong taon ni Nabucodonosor.
2 Nang panahon ngang yao'y ang hukbo ng hari sa Babilonia ay kumubkob sa Jerusalem, at si Jeremias na propeta ay nakulong sa looban ng bantayan, na nasa bahay ng hari sa Juda.
3 Sapagka't kinulong siya ni Sedechias na hari sa Juda, na sinasabi, Bakit ka nanghuhula, at nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ibibigay ko ang bayang ito sa kamay ng hari sa Babilonia, at kaniyang sasakupin:
4 At si Sedechias na hari sa Juda ay hindi makatatanan sa kamay ng mga Caldeo, kundi tunay na mabibigay sa kamay ng hari sa Babilonia, at makikipagusap sa kaniya ng bibig, at ang kaniyang mga mata ay titingin sa kaniyang mga mata;
5 At kaniyang dadalhin si Sedechias sa Babilonia, at siya'y doroon hanggang sa dalawin ko siya, sabi ng Panginoon: bagaman kayo'y magsilaban sa mga Caldeo, hindi kayo magsisiginhawa?
6 At sinabi ni Jeremias, Ang salita ng Panginoon, ay dumating sa akin, na nagsasabi:
7 Narito, si Hanamel na anak ni Sallum na iyong amain ay paroroon sa iyo, na magsasabi, Bilhin mo ang parang ko na nasa Anathoth: sapagka't ang matuwid ng pagtubos ay ukol sa iyo upang bilhin.
8 Sa gayo'y si Hanamel na anak ng aking amain ay naparoon sa akin sa looban ng bantayan ayon sa salita ng Panginoon, at sinabi sa akin, Bilhin mo ang aking parang, isinasamo ko sa iyo, na nasa Anathoth, na nasa lupain ng Benjamin; sapagka't ang matuwid ng pagmamana ay ukol sa iyo, at ang pagtubos ay ukol sa iyo; bilhin mo para sa iyong sarili. Nang magkagayo'y nakilala ko na ito'y salita ng Panginoon.
9 At binili ko ang parang na nasa Anathoth kay Hanamel na anak ng aking amain, at tinimbang ko sa kaniya ang salapi, na labing pitong siklong pilak.
10 At ako'y naglagda ng pangalan sa katibayan, at aking tinatakan, at tumawag ako ng mga saksi, at tinimbang ko sa kaniya ang salapi sa timbangan.
11 Sa gayo'y kinuha ko ang katibayan ng pagkabili, ang natatatakan, yaong ayon sa kautusan at kaugalian, at ang bukas:
12 At ibinigay ko ang katibayan ng pagkabili kay Baruch na anak ni Nerias, na anak ni Maasias, sa harapan ni Hanamel na anak ng aking amain, at sa harap ng mga saksi na naglagda ng pangalan sa katibayan ng pagkabili, sa harap ng lahat na Judio na nakaupo sa looban ng bantayan.
13 At ibinilin ko kay Baruch sa harap nila, na aking sinasabi,
14 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Iyong kunin ang mga katibayang ito, ang katibayang ito ng pagkabili, ang natatatakan, at gayon din itong katibayang bukas, at iyong isilid sa sisidlang lupa; upang tumagal ng maraming araw.
15 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Mga bahay, at mga parang, at mga ubasan ay mangabibili pa uli sa lupaing ito.
16 Pagkatapos nga na aking maibigay ang katibayan ng pagkabili kay Baruch na anak ni Nerias, dumalangin ako sa Panginoon, na aking sinabi,
17Ah Panginoong Dios! narito, iyong ginawa ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng iyong malaking kapangyarihan, at sa pamamagitan ng iyong unat na kamay; walang bagay na totoong napakahirap sa iyo:
18Na ikaw ay nagpapakita ng kagandahang-loob sa mga libolibo, at iyong ginaganti ang kasamaan ng mga magulang sa sinapupunan ng kanilang mga anak pagkamatay nila; ang dakila, na makapangyarihang Dios, ang Panginoon ng mga hukbo ay kaniyang pangalan.
19Dakila sa payo at makapangyarihan sa gawa; na ang mga mata ay dilat sa lahat ng mga lakad ng mga anak ng tao, upang bigyan ang bawa't isa ng ayon sa kaniyang mga lakad, at ayon sa bunga ng kaniyang mga gawa,
20Na naglagay ng mga tanda at mga kababalaghan sa lupain ng Egipto, hanggang sa araw na ito, sa Israel at gayon din sa gitna ng ibang mga tao; at magtaglay ka ng pangalan, gaya sa araw na ito;
21At iyong inilabas ang iyong bayang Israel sa lupain ng Egipto sa pamamagitan ng mga tanda at ng mga kababalaghan, at ng malakas na kamay, at ng unat na kamay, at ng malaking kakilabutan,
22At ibinigay mo sa kanila ang lupaing ito na iyong isinumpa sa kanilang mga magulang na ibibigay sa kanila, lupain na binubukalan ng gatas at pulot,
23At sila'y pumasok, at kanilang inari; nguni't hindi dininig ang itong tinig, o lumakad man sa iyong kautusan; sila'y hindi nagsigawa ng anoman sa lahat na iyong iniutos sa kanila na gawin: kaya't iyong pinapangyari ang buong kasamaang ito sa kanila.
24Narito, ang mga bunton, nagsisidating sa bayan upang sakupin; at ang bayan ay nabigay sa kamay ng mga taga Caldea na nagsisilaban doon, dahil sa tabak, at sa kagutom, at sa salot: at kung ano ang iyong sinalita ay nangyayari; at, narito, iyong nakikita.
25At iyong sinabi sa akin, Oh Panginoong Dios, iyong bilhin ng salapi ang parang, at ikaw ay tumawag ng mga saksi; yamang ang bayan ay ibinibigay sa kamay ng mga Caldeo.
26Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias, na nagsasabi,
27Narito, ako ang Panginoon, ang Dios ng lahat na tao; may anomang bagay baga na totoong mahirap sa akin?
28Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ibibigay ang bayang ito sa kamay ng mga Caldeo, at sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at kaniyang sasakupin,
29At ang mga Caldeo, na nagsisilaban sa bayang ito, magsisiparito at susulsulan ang bayang ito, at susunugin, sangpu ng mga bahay na ang mga bubungan ay kanilang pinaghandugan ng kamangyan kay Baal, at pinagbuhusan ng mga inuming handog sa mga ibang dios, upang mungkahiin ako sa galit.
30Sapagka't ang ginawa lamang ng mga anak ni Israel, at ng mga anak ni Juda ay ang masama sa aking paningin mula sa kanilang kabataan, sapagka't minungkahi lamang ako ng mga anak ni Israel sa galit ng gawa ng kanilang mga kamay, sabi ng Panginoon.
31Sapagka't ang bayang ito ay naging kamungkahian sa aking galit at sa aking pagaalab ng loob mula sa araw na kanilang itinayo hanggang sa araw na ito; upang aking mailayo sa aking mukha.
32Dahil sa lahat ng kasamaan ng mga anak ni Israel at ng mga anak ni Juda, na kanilang ginawa upang mungkahiin ako sa galit, sila, ng kanilang mga hari, ng kanilang mga prinsipe, ng kanilang mga saserdote, at ng kanilang mga propeta, at ng mga tao ng Juda, at ng mga nananahan sa Jerusalem.
33At kanilang tinalikdan ako, at hindi ako hinarap: bagaman aking tinuruan sila, na bumabangon ako ng maaga at tinuturuan ko sila, gayon ma'y hindi sila nangakinig na magsitanggap ng turo.
34Kundi kanilang inilagay ang kanilang mga kasuklamsuklam sa bahay na tinawag sa aking pangalan, upang lapastanganin.
35At kanilang itinayo ang mga mataas na dako ni Baal, na nasa libis ng anak ni Hinnom, upang paraanin sa apoy ang kanilang mga anak na lalake at babae kay Moloch; na hindi ko iniutos sa kanila o nasok man sa aking pagiisip, na kanilang gawin ang kasuklamsuklam na ito; na pinapagkasala ang Juda.
36At ngayon ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, tungkol sa bayang ito, na inyong sinasabi, Nabigay sa kamay ng hari sa Babilonia sa pamamagitan ng tabak, at ng kagutom, at ng salot:
37Narito, aking pipisanin sila mula sa lahat ng lupain, na aking pinagtabuyan sa kanila sa aking galit, at sa aking kapusukan at sa malaking poot, at dadalhin ko sila uli sa dakong ito, at akin silang patatahaning tiwasay.
38At sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Dios:
39At bibigyan ko sila ng isang puso at ng isang daan, upang sila'y matakot sa akin magpakailan man; sa ikabubuti nila, at ng kanilang mga anak pagkamatay nila:
40At ako'y makikipagtipan ng walang hanggan sa kanila, na hindi ako hihiwalay sa kanila, upang gawan ko sila ng mabuti: at sisidlan ko sa puso ng takot sa akin, upang huwag silang magsihiwalay sa akin.
41Oo, ako'y magagalak sa kanila upang gawan ko sila ng mabuti, at aking tunay na itatatag sila sa lupaing ito ng aking buong puso at ng aking buong kaluluwa.
42Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Kung paanong aking dinala ang lahat na malaking kasamaang ito sa bayang ito, gayon dadalhin ko sa kanila ang lahat na mabuti na aking ipinangako sa kanila.
43At mga parang ay mabibili sa lupaing ito, na iyong sinasabi, Sira, na walang tao o hayop man; nabigay sa kamay ng mga Caldeo.
44Bibilhin nga ng mga tao ng salapi ang mga parang at mangaglalagda ng pangalan sa mga katibayan, at mga tatatakan, at magsisitawag ng mga saksi, sa lupain ng Benjamin, at sa mga dako na palibot ng Jerusalem, at sa mga bayan ng Juda, at sa mga bayan ng lupaing maburol, at sa mga bayan ng mababang lupain, at sa mga bayan ng Timugan: sapagka't aking ibabalik sila mula sa kanilang pagkabihag, sabi ng Panginoon.