Kabanata 34
1 Si Josias ay may walong taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing tatlong pu't isang taon sa Jerusalem.
2 At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, at lumakad ng mga lakad ni David na kaniyang magulang, at hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa.
3 Sapagka't sa ikawalong taon ng kaniyang paghahari, samantalang siya'y bata pa, kaniyang pinasimulang hinanap ang Dios ni David na kaniyang magulang: at sa ikalabing dalawang taon ay kaniyang pinasimulang nilinis ang Juda at Jerusalem na inalis ang mga mataas na dako, at ang mga Asera, at ang mga larawang inanyuan, at ang mga larawang binubo.
4 At kanilang ibinagsak ang mga dambana ng mga Baal sa kaniyang harapan; at ang mga larawang araw na nasa ibabaw nila, ay kaniyang ibinagsak; at ang mga Asera, at ang mga larawang inanyuan, at ang mga larawang binubo, ay kaniyang pinagputolputol, at dinurog, at isinabog sa mga libingan ng nangaghain sa kanila.
5 At sinunog niya ang mga buto ng mga saserdote sa kanilang mga dambana, at nilinis ang Juda at ang Jerusalem.
6 At gayon ang ginawa niya sa mga bayan ng Manases at Ephraim at Simeon, hanggang sa Nephtali, sa kanilang mga guho sa palibot.
7 At kaniyang ibinagsak ang mga dambana at pinukpok ang mga Asera at ang mga larawang inanyuan ay dinurog, at pinagputolputol ang lahat na larawang araw sa buong lupain ng Israel, at nagbalik sa Jerusalem.
8 Sa ikalabing walong taon nga ng kaniyang paghahari, nang kaniyang malinis ang lupain, at ang bahay, ay kaniyang sinugo si Saphan na anak ni Asalias, at si Maasias na tagapamahala ng bayan, at si Joah na anak ni Joachaz na kasangguni, upang husayin ang bahay ng Panginoon niyang Dios.
9 At sila'y nagsiparoon kay Hilcias na dakilang saserdote at ibinigay ang salapi na napasok sa bahay ng Dios, na nakuha ng mga Levita, na mga tagatanod-pinto, sa kamay ng Manases at ng Ephraim, at sa lahat ng nalabi sa Israel, at sa buong Juda, at Benjamin, at sa mga taga Jerusalem.
10 At kanilang ibinigay sa kamay ng mga manggagawa na siyang namamahala sa bahay ng Panginoon; at ibinigay ng mga manggagawa ng bahay ng Panginoon upang husayin at pagtibayin ang bahay;
11 Sa makatuwid baga'y sa mga anluwagi at sa mga nagtatayo ibinigay nila, upang ibili ng mga batong tinabas, at ng mga kahoy na panghalang, at upang ipaggawa ng mga sikang sa mga bahay na giniba ng mga hari, sa Juda.
12 At ginawa ng mga lalake na may pagtatapat ang gawain: at ang mga tagapamahala ng mga yaon ay si Jahath at si Abdias, na mga Levita, sa mga anak ni Merari; at si Zacharias at si Mesullam, sa mga anak ng mga Coathita, upang ipagpatuloy: at ang iba sa mga Levita, lahat na bihasa sa mga panugtog ng tugtugin.
13 Nasa mga tagadala ng mga pasan naman sila, at pinamamahalaan ang lahat na nagsisigawa ng gawain sa sarisaring paglilingkod: at sa mga Levita ay may mga kalihim, at mga pinuno, at mga tagatanod-pinto.
14 At nang kanilang ilalabas ang salapi na napasok sa bahay ng Panginoon, nasumpungan ni Hilcias na saserdote ang aklat ng kautusan ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ni Moises.
15 At si Hilcias ay sumagot, at sinabi niya kay Saphan na kalihim: Aking nasumpungan ang aklat ng kautusan sa bahay ng Panginoon, At ibinigay ni Hilcias ang aklat kay Saphan.
16 At dinala ni Saphan ang aklat sa hari, at bukod dito'y nagdala ng salita sa hari, na sinasabi, Lahat na ipinamahala sa iyong mga lingkod, ay kanilang ginagawa.
17At kanilang ibinubo ang salapi na nasumpungan sa bahay ng Panginoon, at ibinigay sa kamay ng mga tagapamahala, at sa kamay ng mga manggagawa.
18At sinaysay ni Saphan na kalihim sa hari, na sinasabi, Si Hilcias na saserdote ay nagbigay sa akin ng isang aklat. At binasa ni Saphan sa harap ng hari.
19At nangyari, nang marinig ng hari ang mga salita ng kautusan, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot.
20At ang hari ay nagutos kay Hilcias, at kay Ahicham na anak ni Saphan, at kay Abdon na anak ni Micha, at kay Saphan na kalihim, at kay Asaia na lingkod ng hari, na kaniyang sinasabi,
21Kayo'y magsiyaon, isangguni ninyo ako sa Panginoon, at silang naiwan sa Israel, at sa Juda, tungkol sa mga salita ng aklat na nasumpungan: sapagka't malaki ang pagiinit ng Panginoon na nabugso sa atin, sapagka't hindi iningatan ng ating mga magulang ang salita ng Panginoon, upang gawin ayon sa lahat na nasusulat sa aklat na ito.
22Sa gayo'y si Hilcias at silang pinagutusan ng hari, nagsiparoon kay Hulda na propetisa, na asawa ni Sallum na anak ni Tikoath, na anak ni Hasra, na tagapagingat ng silid ng kasuutan; (siya nga'y tumahan sa Jerusalem sa ikalawang pook;) at kanilang sinabi sa kanila sa gayong paraan.
23At sinabi niya sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel: Saysayin ninyo sa lalake na nagsugo sa inyo sa akin.
24Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magdadala ng kasamaan sa dakong ito, at sa mga tagarito, sa makatuwid baga'y lahat ng sumpa na nangakasulat sa aklat na kanilang nabasa sa harap ng hari sa Juda:
25Sapagka't kanilang pinabayaan ako, at nagsunog ng kamangyan sa ibang mga dios, upang mungkahiin nila ako sa galit ng lahat na gawa ng kanilang mga kamay; kaya't ang aking pagiinit ay nabugso sa dakong ito, at hindi mapapawi.
26Nguni't sa hari sa Juda, na nagsugo sa inyo upang magusisa sa Panginoon, ganito ang sasabihin ninyo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel: Tungkol sa mga salita na iyong narinig,
27Sapagka't ang iyong puso ay malumanay, at ikaw ay nagpakababa sa harap ng Dios ng iyong marinig ang kaniyang mga salita laban sa dakong ito, at laban sa mga tagarito; at ikaw ay nagpakababa sa harap ko, at hinapak mo ang iyong suot, at umiyak sa harap ko; dininig naman kita, sabi ng Panginoon.
28Narito, ipipisan kita sa iyong mga magulang, at ikaw ay mapipisan na payapa sa iyong libingan, at hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat na kasamaan na aking dadalhin sa dakong ito, at sa mga tagarito. At sila'y nagbalik ng salita sa hari.
29Nang magkagayo'y nagsugo ang hari at pinisan ang lahat na matanda sa Juda at sa Jerusalem.
30At sumampa ang hari sa bahay ng Panginoon, at ang lahat na lalake ng Juda, at ang mga taga Jerusalem, at ang mga saserdote, at ang mga Levita, at ang buong bayan, malaki at gayon din ang maliit: at kaniyang binasa sa kanilang mga pakinig ang lahat na salita ng aklat ng tipan na nasumpungan sa bahay ng Panginoon.
31At ang hari ay tumayo sa kaniyang dako, at nakipagtipan sa harap ng Panginoon, upang lumakad ng ayon sa Panginoon, at upang ingatan ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga patotoo, at ang kaniyang mga palatuntunan, ng buong puso niya, at ng buong kaluluwa niya, upang tuparin ang mga salita ng tipan na nasusulat sa aklat na ito.
32At kaniyang pinapanayo sa tipan ang lahat na nasumpungan sa Jerusalem at Benjamin. At ginawa ng mga taga Jerusalem ang ayon sa tipan ng Dios ng kanilang mga magulang.
33At inalis ni Josias ang lahat na karumaldumal sa lahat ng lupain na ukol sa mga anak ni Israel, at pinapaglingkod ang lahat na nangasumpungan sa Israel, upang mangaglingkod nga sa Panginoon nilang Dios. Lahat ng mga kaarawan niya ay hindi sila nagsihiwalay sa pagsunod sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang.