Kabanata 30
1 At si Ezechias ay nagsugo sa buong Israel at Juda, at sumulat ng mga liham naman sa Ephraim at Manases, na sila'y magsiparoon sa bahay ng Panginoon sa Jerusalem, upang ipangilin ang paskua sa Panginoon, sa Dios ng Israel.
2 Sapagka't ang hari ay nakipagsanggunian, at ang kaniyang mga prinsipe, at ang buong kapisanan sa Jerusalem, upang ipangilin ang paskua sa ikalawang buwan.
3 Sapagka't hindi nila maipangilin sa panahong yaon, sapagka't ang mga saserdote ay hindi nangagpakabanal sa sukat na bilang, ni nagsipisan man ang bayan sa Jerusalem.
4 At ang bagay ay matuwid sa harap ng mga mata ng hari at sa buong kapisanan.
5 Sa gayo'y itinatag nila ang pasiya upang magtanyag sa buong Israel mula sa Beer-seba hanggang sa Dan, na sila'y magsisiparoon na ipangilin ang paskua sa Panginoon, sa Dios ng Israel, sa Jerusalem: sapagka't hindi nila ipinagdiwang sa malaking bilang sa gayong paraan na gaya ng nakasulat.
6 Sa gayo'y ang mga mangdadala ng sulat ay nagsiyaong dala ang sulat na mula sa hari at sa kaniyang mga prinsipe sa buong Israel at Juda, at ayon sa utos ng hari, na sinasabi, Kayong mga anak ni Israel manumbalik kayo sa Panginoon, sa Dios ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel, upang siya'y manumbalik sa nalabi na nakatanan sa inyo na mula sa kamay ng mga hari sa Asiria.
7 At kayo'y huwag maging gaya ng inyong mga magulang, at gaya ng inyong mga kapatid, na nagsisalangsang laban sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang, na anopa't ibinigay niya sila sa pagkapahamak, gaya ng inyong nakikita.
8 Ngayo'y huwag kayong maging mapagmatigas na ulo, na gaya ng inyong mga magulang; kundi magsitalaga kayo sa Panginoon, at magsipasok sa kaniyang santuario, na kaniyang itinalaga magpakailan man at kayo'y mangaglingkod sa Panginoon ninyong Dios, upang ang kaniyang malaking galit ay maalis sa inyo.
9 Sapagka't kung kayo'y manumbalik sa Panginoon, ang inyong mga kapatid at ang inyong mga anak ay mangagkakasumpong ng habag sa harap nilang nagsibihag, at magsisibalik sa lupaing ito: sapagka't ang Panginoon ninyong Dios ay mapagbiyaya at maawain, at hindi itatalikod ang kaniyang mukha sa inyo, kung kayo'y manumbalik sa kaniya.
10 Sa gayo'y ang mangdadala ng sulat ay nagdaan sa bayan at bayan sa lupain ng Ephraim at Manases hanggang sa Zabulon: nguni't sila'y tinatawanang mainam, at tinutuya sila.
11 Gayon ma'y ang iba sa Aser, at sa Manases, at sa Zabulon ay nangagpakumbaba, at nagsiparoon sa Jerusalem.
12 Suma Juda naman ang kamay ng Dios upang papagisahing puso sila upang gawin ang utos ng hari at ng mga prinsipe sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.
13 At nagpupulong sa Jerusalem ang maraming tao upang ipagdiwang ang kapistahan ng tinapay na walang lebadura sa ikalawang buwan, na isang totoong malaking kapisanan.
14 At sila'y nagsitindig at inalis ang mga dambana na nangasa Jerusalem, at ang lahat na dambana na ukol sa kamangyan ay inalis nila, at kanilang inihagis sa batis ng Cedron.
15 Nang magkagayo'y kanilang pinatay ang kordero ng paskua nang ikalabing apat ng ikalawang buwan: at ang mga saserdote at ang mga Levita ay nangapahiya, at nangagpakabanal, at nangagdala ng mga handog na susunugin sa bahay ng Panginoon.
16 At sila'y nagsitayo sa kanilang dako ayon sa kanilang ayos, ayon sa kautusan ni Moises na lalake ng Dios: iniwisik ng mga saserdote ang dugo, na kanilang tinanggap sa kamay ng mga Levita.
17Sapagka't marami sa kapisanan na hindi nangagpakabanal; kaya't ang mga Levita ang may katungkulan ng pagpatay sa kordero ng paskua na ukol sa bawa't isa na hindi malinis, upang mga italaga sa Panginoon.
18Sapagka't isang karamihan sa bayan, sa makatuwid baga'y marami sa Ephraim at sa Manases, sa Issachar, at sa Zabulon, ay hindi nangagpakalinis, gayon ma'y nagsikain sila ng kordero ng paskua na hindi gaya ng nasusulat. Sapagka't idinalangin sila ni Ezechias, na sinasabi, Patawarin nawa ng mabuting Panginoon ang bawa't isa.
19Na naglalagak ng kaniyang puso upang hanapin ang Dios, ang Panginoon, ang Dios ng kaniyang mga magulang, bagaman hindi siya nalinis ng ayon sa paglilinis sa santuario.
20At dininig ng Panginoon si Ezechias, at pinagaling ang bayan.
21At ang mga anak ni Israel na nakaharap sa Jerusalem ay nagdiwang ng kapistahan ng tinapay na walang lebadura na pitong araw, na may malaking kasayahan: at ang mga Levita at ang mga saserdote ay nagsipuri araw-araw sa Panginoon na nagsisiawit na may matunog na panugtog sa Panginoon.
22At si Ezechias ay nagsalitang may kagandahang loob sa lahat na Levita sa mga matalino sa paglilingkod sa Panginoon. Sa gayo'y nagsikain sila sa buong kapistahan sa loob ng pitong araw, na nangaghahandog ng mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, at nangagpahayag ng kasalanan sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang.
23At ang buong kapisanan ay nagsanggunian upang magdiwang ng ibang pitong araw: at sila'y nangagdiwang ng ibang pitong araw na may kasayahan.
24Sapagka't si Ezechias na hari sa Juda ay nagbigay sa kapisanan ng pinakahandog na isang libong baka at pitong libong tupa; at ang mga prinsipe ay nangagbigay sa kapisanan ng isang libong baka at sangpung libong tupa; at lubhang maraming bilang ng mga saserdote ay nangagpakabanal.
25At ang buong kapisanan ng Juda, pati ng mga saserdote at mga Levita, at ang buong kapisanan na lumabas sa Israel, at ang mga taga ibang lupa na nagsilabas sa lupain ng Israel, at nagsitahan sa Juda, ay nangagalak.
26Sa gayo'y nagkaroon ng malaking kagalakan sa Jerusalem: sapagka't mula sa panahon ni Salomon na anak ni David na hari sa Israel, ay hindi nagkaroon ng gayon sa Jerusalem.
27Nang magkagayo'y ang mga saserdote na mga Levita ay nagsitindig at binasbasan ang bayan: at ang kanilang tinig ay narinig, at ang kanilang dalangin ay umilanglang sa kaniyang banal na tahanan, hanggang sa langit.