Kabanata 25
1 Si Amasias ay may dalawangpu't limang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y naghari na dalawangpu't siyam na taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay si Joadan na taga Jerusalem.
2 At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, nguni't hindi ng sakdal na puso.
3 Nangyari nga nang ang kaharian ay matatag sa kaniya, na kaniyang pinatay ang kaniyang mga lingkod na nagsipatay sa hari na kaniyang ama.
4 Nguni't hindi niya pinatay ang kanilang mga anak, kundi gumawa ng ayon sa nakasulat sa kautusan sa aklat ni Moises, gaya ng iniutos ng Panginoon, na sinasabi, ang mga ama ay hindi mangamamatay ng dahil sa mga anak, ni ang mga anak man ay nangamamatay ng dahil sa ama: kundi bawa't tao ay mamamatay dahil sa kaniyang sariling kasalanan.
5 Bukod dito'y pinisan ni Amasias ang Juda, at iniutos sa kanila ang ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, sa kapangyarihan ng mga pinunong kawal ng lilibuhin at ng mga pinunong kawal ng dadaanin, sa makatuwid baga'y ang buong Juda at Benjamin: at kaniyang binilang sila mula sa dalawangpung taong gulang na patanda, at nasumpungan niya silang tatlong daang libong piling lalake, na makalalabas sa pakikipagdigma, na makahahawak ng sibat at kalasag.
6 Siya'y umupa rin naman ng isang daang libong makapangyarihang lalake na matatapang na mula sa Israel sa halagang isang daang talentong pilak.
7 Nguni't naparoon ang isang lalake ng Dios sa kaniya, na nagsasabi, Oh hari, huwag mong pasamahin sa iyo ang hukbo ng Israel; sapagka't ang Panginoon ay hindi sumasa Israel, sa makatuwid baga'y sa lahat ng mga anak ni Ephraim.
8 Nguni't kung ikaw ay yayaon, gumawa kang may katapangan, magpakalakas ka sa pakikipagbaka: ibubuwal ka ng Dios sa harap ng kaaway: sapagka't ang Dios ay may kapangyarihang tumulong at magbuwal.
9 At sinabi ni Amasias sa lalake ng Dios, Nguni't anong aming gagawin sa isang daang talento na aking ibinigay sa hukbo ng Israel? At ang lalake ng Dios ay sumagot: Ang Panginoon ay makapagbibigay sa iyo ng mahigit kay sa rito.
10 Nang magkagayo'y inihiwalay sila ni Amasias, sa makatuwid baga'y ang hukbo na paparoon sa kaniya na mula sa Ephraim, upang umuwi uli: kaya't ang kanilang galit ay totoong nagalab laban sa Juda, at sila'y nagsiuwi na may malaking galit.
11 At si Amasias ay tumapang, at inilabas ang kaniyang bayan, at naparoon sa Libis ng Asin, at sumakit sa mga anak ni Scir ng sangpung libo.
12 At sangpung libo ang dinala ng mga anak ni Juda na buhay, at dinala sila sa taluktok ng burol at inihagis sila mula sa taluktok ng burol na anopa't silang lahat ay nagkawaraywaray.
13 Nguni't ang mga lalake ng hukbo na ipinabalik ni Amasias, upang sila'y huwag magsisunod sa kaniya sa pakikipagbaka, ay nagsidaluhong sa mga bayan ng Juda, mula sa Samaria hanggang sa Bet-horon, at nanakit sa kanila ng tatlong libo, at nagsikuha ng maraming samsam.
14 Nangyari nga, pagkatapos na si Amasias ay manggaling na mula sa pagpatay sa mga Idumio na kaniyang dinala ang mga dios ng mga anak ni Seir, at inilagay na maging kaniyang mga dios, at yumukod sa harap ng mga yaon, at nagsunog ng kamangyan sa mga yaon.
15 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nagalab laban kay Amasias, at siya'y nagsugo sa kaniya ng isang propeta, na sinabi sa kaniya, Bakit mo hinanap ang dios ng bayan na hindi nakapagligtas ng kanilang sariling bayan sa iyong kamay?
16 At nangyari, habang siya'y nakikipagusap sa kaniya, na sinabi ng hari sa kaniya, Ginawa ka ba naming tagapayo ng hari? umurong ka; bakit ka sasaktan? Nang magkagayo'y umurong ang propeta, at nagsabi, Talastas ko na pinasiyahan ng Dios na patayin ka, sapagka't iyong ginawa ito, at hindi mo dininig ang aking payo.
17Nang magkagayo'y kumuhang payo si Amasias na hari sa Juda, at nagsugo kay Joas na anak ni Joachaz na anak ni Jehu, na hari sa Israel, na nagsabi, Halika, tayo'y magtitigan.
18At si Joas na hari sa Israel ay nagsugo kay Amasias na hari sa Juda, na nagsasabi, Ang dawag na nasa Libano, ay nagsugo sa sedro na nasa Libano, na nagsasabi, Ibigay mong asawa ang iyong anak na babae sa aking anak: at nagdaan ang mabangis na hayop na nasa Libano, at niyapakan ang dawag.
19Ikaw ay nagsasabi, Narito, iyong sinaktan ang Edom; at itinaas ka ng iyong puso upang magmalaki: tumahan ka ngayon sa bahay; bakit ibig mong makialam sa iyong ikapapahamak, upang ikaw ay mabuwal, ikaw, at ang Juda na kasama mo?
20Nguni't hindi dininig ni Amasias; sapagka't sa Dios, upang sila'y mabigay sa kamay ng kanilang mga kaaway, sapagka't hinanap nila ang mga dios ng Edom.
21Sa gayo'y umahon si Joas na hari sa Israel; at siya at si Amasias na hari sa Juda ay nagtitigan sa Beth-semes, na ukol sa Juda.
22At ang Juda ay nalagay sa kasamasamaan sa harap ng Israel; at sila'y nagsitakas bawa't isa sa kanikaniyang tolda.
23At kinuha ni Joas na hari sa Israel si Amasias na hari sa Juda, na anak ni Joas, na anak ni Joachaz, sa Beth-semes, at dinala siya sa Jerusalem, at ibinagsak ang kuta ng Jerusalem mula sa pintuang-bayan ng Ephraim hanggang sa pintuang-bayan ng sulok, na apat na raang siko.
24At kinuha niya ang lahat na ginto at pilak, at lahat na sisidlan na nasumpungan sa bahay ng Dios na kay Obed-edom; at ang mga kayamanan ng bahay ng hari, pati ng mga sanglang tao, at bumalik sa Samaria.
25At si Amasias na anak ni Joas na hari sa Juda ay nabuhay pagkamatay ni Joas na anak ni Joachaz na hari sa Israel na labing limang taon.
26Ang iba nga sa mga gawa ni Amasias, na una at huli, narito, di ba nangasusulat sa aklat ng mga hari sa Juda at sa Israel?
27Mula sa panahon nga na humiwalay si Amasias sa pagsunod sa Panginoon ay nagsipagbanta sila laban sa kaniya sa Jerusalem; at siya'y tumakas sa Lachis: nguni't pinasundan nila siya sa Lachis, at pinatay siya roon.
28At dinala siya na nakapatong sa mga kabayo, at inilibing siya na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ng Juda.