Kabanata 26
1 At nagkagutom sa lupain, bukod sa unang pagkakagutom na nangyari ng mga araw ni Abraham. At naparoon si Isaac kay Abimelech, na hari ng mga Filisteo sa Gerar.
2 At napakita ang Panginoon sa kaniya, at nagsabi, Huwag kang bumaba sa Egipto; matira ka sa lupaing aking sasabihin sa iyo:
3 Matira ka sa lupaing ito, at ako'y sasa iyo, at ikaw ay aking pagpapalain; sapagka't sa iyo at sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lahat ng lupaing ito, at pagtitibayin ko ang sumpang aking isinumpa kay Abraham na iyong ama;
4 At aking pararamihin ang iyong binhi na gaya ng mga bituin sa langit, at ibibigay ko sa iyong binhi ang lahat ng lupaing ito: at pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa;
5 Sapagka't sinunod ni Abraham ang aking tinig, at ginanap ang aking bilin, ang aking mga utos, ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kautusan.
6 At tumahan si Isaac sa Gerar.
7 At tinanong siya ng mga taong tagaroon tungkol sa kaniyang asawa; at sinabi niya, Siya'y aking kapatid; sapagka't natakot na sabihin, Siya'y aking asawa: baka ako'y patayin, aniya, ng mga taong tagarito, dahil kay Rebeca; dahil sa siya'y may magandang anyo.
8 At nangyari nang siya'y naroong mahabang panahon, na dumungaw si Abimelech, na hari ng mga Filisteo sa isang durungawan, at tumingin, at narito't si Isaac ay nakikipaglaro kay Rebeca na kaniyang asawa.
9 At tinawag ni Abimelech si Isaac, at sa kaniya'y sinabi, Narito, tunay na siya'y iyong asawa: at bakit sinabi mo, Siya'y aking kapatid? At sumagot sa kaniya si Isaac, Sapagka't sinabi ko, Baka ako'y mamatay dahil sa kaniya.
10 At sinabi ni Abimelech, Ano itong ginawa mo sa amin? hindi malayong ang sinoman sa bayan ay nakasiping sa iyong asawa, at sa gayon ay pinapagkasala mo kami.
11 At ibinilin ni Abimelech sa buong bayan, na sinabi, Ang gumalaw sa lalaking ito o sa kaniyang asawa ay tunay na papatayin.
12 At si Isaac ay naghasik sa lupaing yaon, at umani siya ng taong yaon, ng tigisang daan at pinagpala siya ng Panginoon.
13 At naging dakila ang lalake at lalo't lalong naging dakila hanggang sa naging totoong dakila.
14 At siya'y may tinatangkilik na mga kawan, at mga tinatangkilik na mga bakahan, at malaking sangbahayan: at kinainggitan siya ng mga Filisteo.
15 Lahat ng mga balon ngang hinukay ng mga bataan ng kaniyang ama, nang mga kaarawan ni Abraham na kaniyang ama, ay pinagtabunan ng mga Filisteo, na mga pinuno ng lupa.
16 At sinabi ni Abimelech kay Isaac; Humiwalay ka sa amin, sapagka't ikaw ay makapupong matibay kay sa amin.
17At umalis si Isaac doon, at humantong sa libis ng Gerar, at tumahan doon.
18At muling hinukay ni Isaac ang mga balon ng tubig na kanilang hinukay nang mga kaarawan ni Abraham na kaniyang ama; sapagka't pinagtabunan ng mga Filisteo, pagkamatay ni Abraham: at kaniyang mga pinanganlan ng ayon sa mga pangalang inilagay ng kaniyang ama.
19At humukay sa libis ang mga bataan ni Isaac, at nangakasumpong doon ng isang balon ng tubig na bumubukal.
20At nakipagtalo ang mga pastor ni Gerar sa mga pastor ni Isaac, na sinasabi, Amin ang tubig; at kaniyang tinawag ang pangalan ng balon, na Esec; sapagka't ipinakipagkaalit sa kaniya.
21At sila'y humukay ng ibang balon; at kanilang pinagtalunan din: at kaniyang tinawag ang pangalan na Sitnah.
22At bumunot siya roon, at humukay ng ibang balon; at hindi nila pinagtalunan: at kaniyang tinawag ang pangalan na Rehoboth; at kaniyang sinabi, Sapagka't ngayo'y binigyan tayo ng Panginoon ng kaluwagan, at lalago tayo sa lupain.
23At mula roon ay umahon siya sa Beerseba.
24At napakita sa kaniya ang Panginoon ng gabi ring yaon, at nagsabi, Ako ang Dios ni Abraham na iyong ama: huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo, at ikaw ay aking pagpapalain, at aking pararamihin ang iyong binhi, alangalang kay Abraham na aking lingkod.
25At si Isaac ay nagtayo roon ng isang dambana, at kaniyang sinambitla ang pangalan ng Panginoon, at itinindig niya roon ang kaniyang tolda: at humukay roon ang mga bataan ni Isaac ng isang balon.
26Nang magkagayo'y si Abimelech ay naparoon sa kaniya mula sa Gerar, at si Ahuzath na kaniyang kaibigan, at si Phicol na kapitan ng kaniyang hukbo.
27At sinabi sa kanila ni Isaac, Bakit kayo naparirito sa akin, dangang kayo'y nangapopoot sa akin at pinalayas ninyo ako sa inyo?
28At sinabi nila, Malinaw na aming nakita, na ang Panginoon ay sumasaiyo: at aming sinabi, Magkaroon ng pagsusumpaan tayo, kami at ikaw at makipagtipan kami sa iyo:
29Na hindi ka gagawa sa amin ng masama, gaya naman namin na hindi ka namin ginalaw, at wala kaming ginawa sa iyong di mabuti, at pinayaon ka naming payapa: ikaw ngayon ang pinagpala ng Panginoon.
30At pinaghandaan niya sila, at sila'y nagkainan at naginuman.
31At sila'y gumising ng madaling araw, at sila'y nagpanumpaan: at sila'y pinagpaalam ni Isaac, at nagsialis na payapa sa kaniya.
32At nangyari, nang araw ding yaon, na nagsidating ang mga bataan ni Isaac, at siya'y binalitaan tungkol sa balon nilang hinukay, at sinabi sa kaniya, Nakasumpong kami ng tubig.
33At tinawag niyang Seba: kaya't ang pangalan ng bayang yaon ay Beerseba hanggang ngayon.
34At nang si Esau ay may apat na pung taon ay nagasawa kay Judit, na anak ni Beeri na Heteo, at kay Basemat na anak ni Elon na Heteo:
35At sila'y nakasama ng loob kay Isaac at kay Rebeca.