Kabanata 24
1 At si Abraham ay matanda na, at lipas na sa panahon: at pinagpala ng Panginoon si Abraham sa lahat ng mga bagay.
2 At sinabi ni Abraham sa kaniyang alilang katiwala, sa pinakamatanda sa kaniyang bahay na namamahala ng lahat niyang tinatangkilik: Ipinamamanhik ko sa iyo na ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita:
3 At ikaw ay aking pasusumpain, alangalang sa Panginoon sa Dios ng langit at Dios ng lupa, na hindi mo papag-aasawahin ang aking anak sa mga anak ng mga Cananeo na siyang aking pinakikitahanan:
4 Kundi ikaw ay paroroon sa aking lupain, at sa aking kamaganakan, at papag-aasawahin mo roon ang aking anak na si Isaac.
5 At sinabi sa kaniya ng lingkod, Sakaling hindi iibigin ng babae na sumama sa akin sa lupaing ito: dapat ko bang ibalik ang anak mo sa lupaing pinanggalingan mo?
6 At sinabi sa kaniya ni Abraham, Ingatan mong huwag ibalik doon ang aking anak.
7 Ang Panginoon, ang Dios ng langit, na kumuha sa akin sa bahay ng aking ama, at sa lupaing aking tinubuan, at sa akin ay nagsalita, at sa akin ay sumumpa, na nagsasabi, Sa iyong binhi, ibibigay ko ang lupaing ito: ay magsusugo siya ng kaniyang anghel sa unahan mo, at papag-aasawahin mo roon ang aking anak.
8 At kung ang babae ay ayaw sumama sa iyo, ay maliligtas ka rito sa aking sumpa; huwag mo lamang pabalikin ang aking anak doon.
9 At inilagay ng alilang katiwala ang kaniyang kamay sa ilalim ng hita ni Abraham na kaniyang panginoon, at sumumpa sa kaniya tungkol sa bagay na ito.
10 At kumuha ang alilang katiwala ng sangpung kamelyo sa mga kamelyo ng kaniyang panginoon, at yumaon; na dala ang pinakamabuti sa lahat ng pag-aari ng kaniyang panginoon: at tumindig at napasa Mesopotamia, sa bayan ni Nachor.
11 At kaniyang pinaluhod ang mga kamelyo sa labas ng bayan, sa tabi ng balon ng tubig, ng dakong palubog na ang araw, na kapanahunan nang paglabas ng mga babae upang umigib ng tubig.
12 At sinabi, Oh Panginoon, Dios ng aking panginoong si Abraham, ipinamamanhik ko sa iyong pagkalooban mo ako ng mabuting kapalaran ngayon, at ikaw ay magmagandang loob sa aking panginoong kay Abraham.
13 Narito, ako'y nakatayo sa tabi ng bukal ng tubig: at ang mga anak na babae ng mga tao sa bayan, ay nagsilabas upang umigib ng tubig:
14 At mangyari nga na ang dalagang aking pagsabihan, Ibaba mo, isinasamo ko sa iyo, ang iyong banga upang ako'y uminom; at siya'y magsabi, Uminom ka, at paiinumin ko pati ng iyong mga kamelyo: maging siyang iyong itinalaga sa iyong lingkod na kay Isaac: at sa ganito ay malalaman kong nagmagandang loob ka sa aking panginoon.
15 At nangyari, na bago natapos ang pananalita niya, ay narito si Rebeca na ipinanganak kay Bethuel, na anak ni Milca, na asawa ni Nachor na kapatid ni Abraham na lumalabas na pasan ang kaniyang banga sa kaniyang balikat.
16 At ang babae ay may magandang anyo, dalaga, na hindi pa nasisipingan ng lalake: at lumusong sa bukal, at pinuno ang kaniyang banga, at umahon.
17At tumakbong sinalubong siya ng alilang katiwala na sinabi, Makikiinom ako ng kaunting tubig sa iyong banga.
18At sinabi niya, Uminom ka, panginoon ko: at nagmadaling ibinaba ang banga sa kaniyang kamay, at pinainom siya.
19At pagkatapos na kaniyang mapainom, ay sinabi, Iyiigib ko naman ang iyong mga kamelyo, hanggang sa makainom na lahat.
20At ibinuhos na dalidali ang kaniyang banga sa inuman, at tumakbong muli sa balon upang umigib at iniigib ang lahat niyang kamelyo.
21At siya'y tinitigan ng lalake; na hindi umiimik, upang maalaman kung pinagpala ng Panginoon ang kaniyang paglalakbay o hindi.
22At nangyari, nang makainom ang mga kamelyo, na kumuha ang lalake ng isang singsing na ginto, na may kalahating siklo sa timbang, at dalawang pulsera upang ilagay sa kaniyang mga kamay, na may timbang na sangpung siklong ginto;
23At sinabi, Kaninong anak ka? sabihin mo sa akin, ipinamamanhik ko sa iyo. May lugar ba sa bahay ng iyong ama na aming matutuluyan?
24At sinabi niya sa kaniya, Anak ako ni Bethuel, na anak ni Milca, na ipinanganak niya kay Nahor.
25Sinabi rin niya sa kaniya, Mayroon din naman kaming saganang dayami at pagkain sa hayop, at dakong matutuluyan.
26At lumuhod ang lalake at sumamba sa Panginoon.
27At siya'y nagsabi, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng aking panginoong si Abraham, na hindi inilayo ang kaniyang habag at ang kaniyang pagtatapat, sa aking panginoon: tungkol sa akin, ay pinatnugutan ako ng Panginoon sa daan hanggang sa bahay ng mga kapatid ng aking panginoon.
28At tumakbo ang dalaga at isinaysay sa sangbahayan ng kaniyang ina ang ayon sa mga salitang ito.
29At mayroon si Rebeca na isang kapatid na nagngangalang Laban: at tinakbo ni Laban ang lalake sa labas, sa bukal.
30At nangyari, pagkakita ng singsing, at ng mga pulsera sa mga kamay ng kaniyang kapatid, at pagkarinig ng mga salita ni Rebeca na kaniyang kapatid, na sinasabi, Gayon sinalita sa akin ng lalake; na naparoon siya sa lalake; at narito, ito'y nakatayo sa siping ng mga kamelyo, sa bukal.
31At sinabi niya, Pumasok ka, pinagpala ng Panginoon; bakit ka nakatayo sa labas? sapagka't inihanda ko ang bahay, at ang dako ng mga kamelyo.
32At pumasok ang lalake sa bahay, at kinalagan ang mga kamelyo; at binigyan ni Laban ng dayami at pagkain ang mga kamelyo, at ng tubig upang ipaghugas ng kaniyang mga paa, at ng mga paa ng mga taong kasama niya.
33At siya'y hinainan nila ng pagkain: datapuwa't kaniyang sinabi, Hindi ako kakain hanggang hindi ko nasasabi ang aking sadya. At sinabi ni Laban, Magsalita ka.
34At kaniyang sinabi, Alilang katiwala ako ni Abraham.
35At pinagpalang mainam ng Panginoon ang aking panginoon; at siya'y naging dakila: at siya'y binigyan ng kawan at bakahan, at ng pilak at ng ginto, at ng mga aliping lalake, at babae, at ng mga kamelyo, at ng mga asno.
36At si Sara na asawa ng aking panginoon, ay nagkaanak ng lalake sa aking panginoon, nang siya'y matanda na: at siyang pinagbigyan ni Abraham ng kaniyang lahat na inaari.
37At pinapanumpa ako ng aking panginoon, na sinasabi, Huwag mong papag-aasawahin ang aking anak sa mga anak na babae ng mga Cananeo na siyang lupaing aking tinatahanan:
38Kundi paroroon ka sa bahay ng aking ama at sa aking kamaganakan, at papag-aasawahin mo roon ang aking anak.
39At sinabi ko sa aking panginoon, Sakaling hindi iibigin ng babaing sumama sa akin.
40At kaniyang sinabi sa akin, Ang Panginoon na sa harap niya'y lumalakad ako, ay susuguin niyang kasama mo ang kaniyang anghel, at kaniyang pagpapalain ang iyong lakad, at papag-aasawahin mo ang aking anak sa aking kamaganakan, at sa angkan ng aking ama:
41Kung magkagayo'y makakakawala ka sa aking sumpa, pagka ikaw ay dumating sa aking kamaganakan; at kung hindi nila ibigay sa iyo, ay makakakawala ka sa aking sumpa.
42At dumating ako ng araw na ito, sa bukal, at aking sinabi, Oh Panginoon, na Dios ng aking panginoong si Abraham, kung ngayo'y pinagpapala mo ang aking lakad na nilalakad ko:
43Narito, nakatayo ako sa tabi ng bukal ng tubig; at mangyari, na ang dalagang lumabas na umigib na aking pagsasabihan, Makikiinom ako sa iyo ng kaunting tubig sa iyong banga;
44At siya'y magsasabi sa akin, Uminom ka, at iyigib ko pati ng iyong mga kamelyo: ay siyang maging babaing itinalaga ng Panginoon sa anak ng aking panginoon.
45At bago ko nasalita sa sarili, narito si Rebeca, na lumalabas na pasan ang kaniyang banga sa kaniyang balikat; at lumusong sa bukal at umigib: at aking sinabi sa kaniya, Makikiinom ako sa iyo.
46At dalidali niyang ibinaba ang kaniyang banga sa kaniyang balikat, at nagsabi, Uminom ka, at paiinumin ko pati ng iyong mga kamelyo: sa gayo'y uminom ako, at pinainom niya pati ng mga kamelyo,
47At siya'y aking tinanong, at aking sinabi, Kaninong anak ka? at kaniyang sinabi, Anak ako ni Bethuel, na anak ni Nachor, na ipinanganak sa kaniya ni Milca: at inilagay ko ang hikaw sa kaniyang ilong, at ang mga pulsera sa kaniyang mga kamay.
48At aking iniyukod ang aking ulo, at sumamba ako sa Panginoon at pumuri sa Panginoon, na Dios ng aking panginoong si Abraham, na pumatnubay sa akin sa daang matuwid upang kunin ang anak ng kapatid ng aking panginoon, para sa kaniyang anak.
49At ngayon, kung inyong mamagandahing loob at mamatapatin sa aking panginoon ay sabihin ninyo sa akin: at kung hindi, ay sabihin din ninyo sa akin; upang pumihit ako sa kanan o sa kaliwa.
50Nang magkagayo'y sumagot si Laban at si Bethuel, at sinabi, Sa Panginoon nagmumula ito: kami ay hindi makapagsasabi sa iyo ng masama o ng mabuti.
51Narito, si Rebeca ay nasa harap mo, dalhin mo, at yumaon ka, at siya'y maging asawa ng anak ng iyong panginoon, na gaya ng sinalita ng Panginoon.
52At nangyari, na pagkarinig ng alilang katiwala ni Abraham ng kaniyang mga salita, ay nagpatirapa sa lupa sa harap ng Panginoon.
53At naglabas ang alilang katiwala ng mga hiyas na pilak at mga hiyas na ginto, at mga damit, at mga ibinigay kay Rebeca: nagbigay rin siya ng mga mahalagang bagay sa kaniyang kapatid na lalake at sa kaniyang ina.
54At nangagsikain at nangagsiinom siya at ang mga taong kasama niya, at doon nagparaan ng magdamag, at sila'y nagsibangon ng umaga at kaniyang sinabi, Suguin ninyo ako sa aking panginoon.
55At sinabi ng kaniyang kapatid na lalake, at ng kaniyang ina, Matira ang dalaga sa aming ilang araw, sangpung araw man lamang; pagkatapos ay paroroon siya.
56At sinabi niya sa kanila, Huwag ninyo akong pigilin, yamang pinagpala ng Panginoon ang aking lakad; papagpaalamin na ninyo ako, upang ako'y umuwi sa aking panginoon.
57At kanilang sinabi, Tatawagin namin ang dalaga at uusisain namin sa kaniyang bibig.
58At kanila ngang tinawag si Rebeca, at kanilang sinabi sa kaniya, Sasama ka ba sa lalaking ito? At sinabi niya, Sasama ako.
59At kanilang pinapagpaalam si Rebeca na kanilang kapatid, at ang kaniyang yaya, at ang alilang katiwala ni Abraham, at ang kaniyang mga tao.
60At kanilang binasbasan si Rebeca, at sinabi nila sa kaniya, Kapatid namin, maging ina ka nawa ng yutayuta, at kamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan niyaong mga napopoot sa kanila.
61At tumindig si Rebeca, at ang kaniyang mga abay, at nangagsisakay sa mga kamelyo, at nangagsisunod sa lalake; at dinala ng alilang katiwala si Rebeca at yumaon.
62At si Isaac ay nanggaling sa daang Beer-lahai-roi; sapagka't siya'y natira sa lupaing Timugan.
63At lumabas si Isaac sa parang upang magmunimuni ng dakong hapon: at kaniyang itiningin ang kaniyang mga mata, at kaniyang nakita, at, narito, may dumarating na mga kamelyo.
64Itiningin naman ni Rebeca ang kaniyang mga mata at nang makita niya si Isaac, ay bumaba sa kamelyo.
65At sinabi ni Rebeca sa alilang katiwala, Sino yaong taong naglalakad sa parang na sumasalubong sa atin? At sinabi ng alilang katiwala, Yaon ang aking panginoon: at kinuha niya ang kaniyang lambong, at siya'y nagtakip.
66At isinaysay ng alilang katiwala kay Isaac ang lahat ng kaniyang ginawa.
67At dinala siya ni Isaac sa tolda ni Sara na kaniyang ina, at ipinagsama si Rebeca, at naging kaniyang asawa: at kaniya namang sininta: at naaliw si Isaac, pagkamatay ng kaniyang ina.