Kabanata 13
1 At umahon sa Timugan si Abram mula sa Egipto, siya at ang kaniyang asawa, at ang lahat ng kaniyang tinatangkilik, at si Lot na kaniyang kasama.
2 At si Abram ay totoong mayaman sa hayop, sa pilak, at sa ginto.
3 At nagpatuloy si Abram ng kaniyang paglalakbay mula sa Timugan hanggang sa Bethel, hanggang sa dakong kinaroroonan noong una ng kaniyang tolda sa pagitan ng Bethel at ng Hai;
4 Sa dako ng dambana na kaniyang ginawa roon nang una: at sinambitla doon ni Abram ang pangalan ng Panginoon.
5 At si Lot man na kinasama ni Abram ay may tupahan at bakahan, at mga tolda.
6 At sila'y hindi makayanan ng lupain, na sila'y manahan na magkasama: sapagka't napakarami ang kanilang pag-aari, na ano pa't hindi maaring manirahang magkasama.
7 At nagkaroon ng pagtatalo ang mga pastor ng hayop ni Abram at ang mga pastor ng hayop ni Lot; at ang Cananeo at ang Pherezeo ay naninirahan noon sa lupain.
8 At sinabi ni Abram kay Lot, Ipinamamanhik ko sa iyong huwag magkaroon ng pagtatalo, ikaw at ako, at ang mga pastor mo at mga pastor ko; sapagka't tayo'y magkapatid.
9 Di ba ang buong lupain ay nasa harap mo? Humiwalay ka nga sa akin, ipinamamanhik ko sa iyo: kung ikaw ay pasa sa kaliwa, ay pasa sa kanan ako: o kung ikaw ay pasa sa kanan, ay pasa sa kaliwa ako.
10 At itiningin ni Lot ang kaniyang mga mata, at natanaw niya ang buong kapatagan ng Jordan, na pawang patubigan na magaling sa magkabikabila, kung pasa sa Zoar, bago giniba ng Panginoon ang Sodoma at Gomorra, ay gaya ng halamanan ng Panginoon, gaya ng lupain ng Egipto.
11 Kaya't pinili ni Lot sa kaniya ang buong kapatagan ng Jordan; at si Lot ay naglakbay sa silanganan: at sila'y kapuwa naghiwalay.
12 Tumahan si Abram sa lupain ng Canaan; at si Lot ay tumahan sa mga bayan ng kapatagan, at inilipat ang kaniyang tolda hanggang sa Sodoma.
13 Ang mga tao nga sa Sodoma ay masasama at mga makasalanan sa harap ng Panginoon.
14 At sinabi ng Panginoon kay Abram, pagkatapos na makahiwalay si Lot sa kaniya, Itingin mo ngayon ang iyong mga mata, at tumanaw ka mula sa dakong iyong kinalalagyan, sa dakong hilagaan, at sa dakong timugan, at sa dakong silanganan, at sa dakong kalunuran:
15 Sapagka't ang buong lupaing iyong natatanaw ay ibibigay ko sa iyo, at sa iyong binhi magpakaylan man.
16 At gagawin kong parang alabok ng lupa ang iyong binhi: na ano pa't kung mabibilang ng sinoman ang alabok ng lupa ay mabibilang nga rin ang iyong binhi.
17Magtindig ka, lakarin mo ang lupain, ang hinabahaba at niluwang-luwang niyan; sapagka't ibibigay ko sa iyo.
18At binuhat ni Abram ang kaniyang tolda, at yumaon at tumahan sa mga punong encina ni Mamre na nasa Hebron, at siya'y nagtayo roon ng dambana sa Panginoon.