Kabanata 9
1 Sapagka't tungkol sa pangangasiwa ng mga abuloy sa mga banal, ay kalabisan na sa akin ang isulat ko pa.
2 Sapagka't nakikilala ko ang inyong sikap, na aking ipinagmamapuri tungkol sa inyo sa mga taga Macedonia, na ang Acaya ay nahahandang isang taon na; at ang inyong pagsisikap ay nakapagudyok sa lubhang marami sa kanila.
3 Datapuwa't sinugo ko ang mga kapatid, upang ang aming pagmamapuri dahil sa inyo ay huwag mawalan ng kabuluhan sa bagay na ito; na, ayon sa aking sinabi, kayo'y mangakapaghanda:
4 Baka sakaling sa anomang paraan kung magsirating na kasama ko ang ilang taga Macedonia at kayo'y maratnang hindi nangahahanda, kami (upang huwag sabihing kayo) ay mangapahiya sa pagkakatiwalang ito.
5 Iniisip ko ngang kailangang ipamanhik sa mga kapatid, na mangaunang pumariyan sa inyo, at ihanda agad ang inyong abuloy na ipinangako nang una, upang ito'y maihanda na gaya ng abuloy, at hindi gaya ng sapilitan.
6 Datapuwa't sinasabi ko, Ang naghahasik ng bahagya na ay magaani namang bahagya na; at ang naghahasik na sagana ay magaani namang sagana.
7 Magbigay ang bawa't isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso: huwag mabigat sa loob, o dahil sa kailangan: sapagka't iniibig ng Dios ang nagbibigay na masaya.
8 At maaaring gawin ng Dios na ang lahat ng biyaya ay magsisagana sa inyo; upang kayo, na mayroong laging buong kaya sa lahat ay magsipanagana sa bawa't mabuting gawa:
9 Gaya ng nasusulat, Siyang nagsabog, siyang nagbigay sa mga dukha; Ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man.
10 At ang nagbibigay ng binhi sa naghahasik at ng tinapay na pinakapagkain, ay magbibigay at magpaparami ng inyong binhi upang ihasik, at magdaragdag ng mga bunga ng inyong katuwiran:
11 Yamang kayo'y pinayaman sa lahat ng mga bagay na ukol sa lahat ng kagandahang-loob, na nagsisigawa sa pamamagitan namin ng pagpapasalamat sa Dios.
12 Sapagka't ang pangangasiwa sa paglilingkod na ito ay hindi lamang tumatakip sa pangangailangan ng mga banal, kundi naman umaapaw sa pamamagitan ng maraming pagpapasalamat sa Dios;
13 Palibhasa'y sa pagsubok sa inyo sa pamamagitan ng ministeriong ito ay niluluwalhati nila ang Dios dahil sa pagtalima ng inyong pagkilala sa evangelio ni Cristo, at dahil sa kagandahang-loob ng inyong ambag sa kanila at sa lahat;
14 Samantalang sila rin naman, sa panalanging patungkol sa inyo, ay nananabik sa inyo dahil sa saganang biyaya ng Dios sa inyo.
15 Salamat sa Dios dahil sa kaniyang kaloob na di masabi.