2 Mga Taga
Kabanata 1
1 Si Pablo, na Apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at si Timoteo, na ating kapatid sa Iglesia ng Dios na nasa Corinto, kalakip ng lahat ng mga banal na nasa buong Acaya.
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo.
3 Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, ang Ama ng mga kaawaan at Dios ng buong kaaliwan;
4 Na siyang umaaliw sa atin sa lahat ng kapighatian, upang ating maaliw ang nangasa anomang kapighatian, sa pamamagitan ng pagaliw na inialiw din sa atin ng Dios.
5 Sapagka't kung paanong sumasagana sa atin ang mga sakit ni Cristo, ay gayon din naman ang aming kaaliwan ay sumasagana sa pamamagitan ni Cristo.
6 Datapuwa't maging kami man ay mapighati, ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan; o maging kami man ay maaliw ay para sa inyong kaaliwan, na siyang gumagawa sa pagdadalitang may pagtitiis ng mga gayon ding pagbabata na amin namang binabata:
7 At ang aming pagasa tungkol sa inyo ay matibay; yamang nalalaman na kung paanong kayo'y mga karamay sa mga sakit, ay gayon din naman kayo sa kaaliwan.
8 Hindi namin ibig na kayo'y di makaalam, mga kapatid, ng tungkol sa mga kapighatian namin na nangyari sa Asia, na kami ay totoong nabigatan, ng higit sa aming kaya, ano pa't kami ay nawalan na ng pagasa sa buhay:
9 Oo, kami'y nagkaroon sa aming sarili ng hatol sa kamatayan, upang huwag kaming magkatiwala sa amin ding sarili, kundi sa Dios na bumubuhay na maguli ng mga patay:
10 Na siyang sa amin ay nagligtas sa gayong lubhang malaking kamatayan, at nagliligtas: na siya naming inaasahan na siya namang magliligtas pa sa amin;
11 Kayo naman na nagsisitulong ng inyong panalangin na patungkol sa amin; upang dahil sa kaloob na ipinagkaloob sa amin sa pamamagitan ng marami, ay makapagpasalamat ang maraming tao dahil sa amin.
12 Sapagka't ang aming pagmamapuri ay ito, ang pagpapatotoo ng aming budhi, ayon sa kabanalan at pagtatapat sa Dios, hindi ayon sa karunungan ng laman, kundi sa biyaya ng Dios, na kami'y nagugali ng gayon sa sanglibutan at lalong sagana pa nga sa inyo.
13 Sapagka't hindi namin kayo sinusulatan ng ibang mga bagay, maliban na sa inyong binabasa, o kinikilala, at umaasa ako na inyong kikilalanin hanggang sa katapusan:
14 Gaya naman ng inyong bahagyang pagkilala sa amin, na kami'y inyong kapurihan, gayon din naman kayo'y sa amin, sa araw ng Panginoong si Jesus.
15 At sa pagkakatiwalang ito ay ninasa kong pumariyan muna sa inyo, upang kayo'y mangagkaroon ng pangalawang pakinabang;
16 At magdaan sa inyo na patungo sa Macedonia, at muling buhat sa Macedonia ay magbalik sa inyo, at nang tulungan ninyo ako sa paglalakbay ko sa Judea.
17Nang nasain ko nga ang ganito, ako baga kaya ay nagatubili? o ang mga bagay na ninasa ko, ay mga ninasa ko baga ayon sa laman, upang magkaroon sa akin ng oo, oo, at ng hindi, hindi?
18Nguni't palibhasa'y ang Dios ay tapat, ang aming salita sa inyo ay di oo at hindi.
19Sapagka't ang Anak ng Dios, si Jesucristo, na ipinangaral namin sa inyo, ako at si Silvano at si Timoteo, hindi naging oo at hindi, kundi sa kaniya ay naging oo.
20Sapagka't maging gaano man ang mga pangako ng Dios, ay nasa kaniya ang oo: kaya nga naman na sa kaniya ang Siya Nawa sa ikaluluwalhati ng Dios sa pamamagitan namin.
21Ngayon, siya na ang nagpapatibay sa amin na kasama ninyo kay Cristo, at nagpahid sa atin, ay ang Dios,
22Na siyang nagtatak naman sa atin, at nagbigay ng patotoo ng Espiritu sa ating mga puso.
23Datapuwa't ang Dios ang tinatawag kong maging saksi sa aking kaluluwa, na upang huwag kayong papagdamdamin ay hindi muna ako napariyan sa Corinto.
24Hindi sa kami ay may pagkapanginoon sa inyong pananampalataya, kundi kami ay mga tagatulong sa inyong katuwaan: sapagka't sa pananampalataya kayo'y nangagsisitatag.