Kabanata 3
1 Ano nga ang kahigitan ng Judio? o ano ang mapapakinabang sa pagtutuli?
2 Marami sa anomang paraan: ang una sa lahat, ay ipinagkatiwala sa kanila ang mga aral ng Dios.
3 Ano nga kung ang ilan ay hindi nangagsisampalataya? ang di pananampalataya nila ay nagpapawalang halaga baga sa pagtatapat ng Dios?
4 Huwag nawang mangyari: oo, bagkus pa nga ang Dios ay tapat, datapuwa't ang bawa't tao'y sinungaling; gaya ng nasusulat, Upang ikaw ay ariing ganap sa iyong mga salita, At makapagtagumpay ka kung ikaw ay mahatulan.
5 Datapuwa't kung ang ating kalikuan ay nagbibigay dilag sa katuwiran ng Dios, ano ang ating sasabihin? Liko baga ang Dios na dumadalaw na may poot? (nagsasalita akong ayon sa pagkatao.)
6 Huwag nawang mangyari: sapagka't kung gayo'y paanong paghatol ng Dios sa sanglibutan?
7 Datapuwa't kung ang katotohanan ng Dios sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay sumagana sa ikaluluwalhati niya, bakit pa naman ako'y hinahatulang tulad sa isang makasalanan?
8 At bakit hindi (gaya ng pagkalibak sa atin, at gaya ng pinatotohanan ng ilan na ating sinasabi), Magsigawa tayo ng masama upang dumating ang mabuti? ang kaparusahan sa mga gayon ay matuwid.
9 Ano nga? tayo baga'y lalong mabuti kay sa kanila? Hindi, sa anomang paraan: sapagka't ating kapuwa isinasakdal na muna ang mga Judio at ang mga Griego, na silang lahat ay nangasa ilalim ng kasalanan;
10 Gaya ng nasusulat, Walang matuwid, wala, wala kahit isa;
11 Walang nakatatalastas, Walang humahanap sa Dios;
12 Silang lahat ay nagsilihis, magkakasamang nawalan ng kasaysayan; Walang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa:
13 Ang kanilang lalamunan ay isang libingang bukas; Nagsigamit ng daya sa pamamagitan ng kanilang mga dila: Ang kamandag ng mga ulupong ang siyang nasa ilalim ng kanilang mga labi:
14 Ang kanilang bibig ay puno ng panunumpa at ng kapaitan:
15 Ang kanilang mga paa ay matulin sa pagbububo ng dugo;
16 Kagibaan at kahirapan ang nasa kanilang mga daan;
17At ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nakilala;
18Walang pagkatakot sa Dios sa harap ng kanilang mga mata.
19Ngayon ay nalalaman natin na ang anomang sinasabi ng kautusan, yaon ay sinasabi sa nangasa ilalim ng kautusan; upang matikom ang bawa't bibig, at ang buong sanglibutan ay mapasa ilalim ng hatol ng Dios:
20Sapagka't sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay walang laman na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka't sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan.
21Datapuwa't ngayon bukod sa kautusan ay ipinahahayag ang isang katuwiran ng Dios, na sinasaksihan ng kautusan at ng mga propeta;
22Sa makatuwid baga'y ang katuwiran ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo sa lahat ng mga nagsisisampalataya; sapagka't walang pagkakaiba;
23Sapagka't ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios;
24Palibhasa'y inaring-ganap na walang bayad ng kaniyang biyaya sa pamamagitan ng pagtubos na nasa kay Cristo Jesus:
25Na siyang inilagay ng Dios na maging pangpalubagloob, sa pamamagitan ng pananampalataya, sa kaniyang dugo, upang maipakilala ang kaniyang katuwiran dahil sa hindi pagpansin sa mga kasalanan na nagawa nang nagdaang panahon sa pagpapahinuhod ng Dios;
26Sa pagpapakilala'y aking sinasabi, ng kaniyang katuwiran sa panahong kasalukuyan, upang siya'y maging ganap at tagaaring-ganap sa may pananampalataya kay Cristo.
27Kaya nga saan naroon ang pagmamapuri? Ito'y inihiwalay na. Sa pamamagitan ng anong kautusan? ng mga gawa? Hindi: kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya.
28Kaya nga maipasisiya natin na ang tao ay inaaring-ganap sa pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan.
29O ang Dios baga ay Dios ng mga Judio lamang? hindi baga siya ang Dios din ng mga Gentil? Oo, ng mga Gentil din naman:
30Kung gayon nga na iisa ang Dios, at kaniyang aariing-ganap ang pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya, at ang di pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya.
31Niwawalan kaya nating kabuluhan ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari: kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan.