Kabanata 16

1 Ipinagtatagubilin ko sa inyo si Febe na ating kapatid na babae, na lingkod sa iglesia na nasa Cencrea:
2 Upang tanggapin ninyo siya sa Panginoon, ayon sa nararapat sa mga banal, at tulungan ninyo siya sa anomang bagay na magiging kailangan niya sa inyo: sapagka't siya nama'y naging katulong ng marami, at ng aking sarili naman.
3 Batiin ninyo si Prisca at si Aquila na aking mga kamanggagawa kay Cristo Jesus,
4 Na ipinain ang kanilang mga leeg dahil sa aking buhay; na sa kanila'y hindi lamang ako ang nagpapasalamat, kundi naman ang lahat ng mga iglesia ng mga Gentil:
5 At batiin ninyo ang iglesia na nasa kanilang bahay. Batiin ninyo si Epeneto na minamahal ko, na siyang pangunahing bunga ng Asia kay Cristo.
6 Batiin ninyo si Maria, na lubhang nagpagal sa inyo.
7 Batiin ninyo si Andronico at si Junias, na aking mga kamaganak, at mga kasama ko sa pagkabilanggo, na siyang mga bantog sa mga apostol, na sila nama'y nangauna sa akin kay Cristo.
8 Batiin ninyo si Ampliato na aking minamahal sa Panginoon.
9 Batiin ninyo si Urbano na aming kamanggagawa kay Cristo, at si Estaquis na minamahal ko.
10 Batiin ninyo si Apeles na subok kay Cristo. Batiin ninyo ang mga kasangbahay ni Aristobulo.
11 Batiin ninyo si Herodion na aking kamaganak. Batiin ninyo ang mga kasangbahay ni Narciso, yaong nangasa Panginoon.
12 Batiin ninyo si Trifena at si Trifosa, na nangagpapagal sa Panginoon. Batiin ninyo si Persida na minamahal, na lubhang nagpagal sa Panginoon.
13 Batiin ninyo si Rufo na hinirang sa Panginoon, at ang kaniyang ina at akin.
14 Batiin ninyo si Asincrito, si Flegonte, si Hermes, si Patrobas, si Hermas, at ang mga kapatid na kasama nila.
15 Batiin ninyo si Filologo at si Julia, si Nereo at ang kaniyang kapatid na babae, at si Olimpas, at ang lahat ng mga banal na kasama nila.
16 Mangagbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesia ni Cristo.
17Ngayo'y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na tandaan ninyo yaong mga pinanggagalingan ng pagkakabahabahagi at ng mga katitisuran, laban sa mga aral na inyong nangapagaralan: at kayo'y magsilayo sa kanila.
18Sapagka't ang mga gayon ay hindi nagsisipaglingkod sa Cristong Panginoon, kundi sa kanilang sariling tiyan; at sa pamamagitan ng kanilang mabuting pananalita at maiinam na mga talumpati ay dinadaya ang mga puso ng mga walang malay.
19Sapagka't ang inyong pagtalima ay naging bantog sa lahat ng mga tao. Kaya't nagagalak ako tungkol sa inyo: datapuwa't ibig ko na kayo'y maging marunong sa kabutihan, at musmos sa kasamaan.
20At si Satanas ay dudurugin ng Dios ng kapayapaan sa madaling panahon sa ilalim ng inyong mga paa. Ang biyaya nawa ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyo.
21Binabati kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa; at ni Lucio at ni Jason at ni Sosipatro, na aking mga kamaganak.
22Akong si Tercio, na sumusulat ng sulat na ito, ay bumabati sa inyo sa Panginoon.
23Binabati kayo ni Gayo na pinanunuluyanan ko, at ng buong iglesia. Binabati kayo ni Erasto na ingat-yaman ng bayan, at ng kapatid na si Cuarto.
24Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyong lahat. Siya nawa.
25At ngayon sa kaniya na makapangyarihan na sa inyo'y makapagpapatibay ayon sa aking evangelio at sa pangangaral ni Jesucristo, ayon sa pahayag ng hiwaga na natago sa katahimikan nang panahong walang hanggan.
26Datapuwa't nahayag na ngayon, at sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta, ayon sa ipinagutos ng Dios na walang hanggan, ay ipinakilala sa lahat ng mga bansa upang magsitalima sa pananampalataya:
27Sa iisang Dios na marunong, sa pamamagitan ni Jesucristo, na sumasa kaniya ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.