Kabanata 13
1 Bago nga magpista ng paskua, sa pagkaalam ni Jesus na dumating na ang kaniyang oras ng paglipat niya mula sa sanglibutang ito hanggang sa Ama, sa pagkaibig sa mga kaniya na nangasa sanglibutan, ay inibig niya sila hanggang sa katapusan.
2 At habang humahapon, nang mailagay na ng diablo sa puso ni Judas Iscariote, na anak ni Simon, ang pagkakanulo sa kaniya.
3 Si Jesus, sa pagkatalastas na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa kaniyang mga kamay, at siya'y nanggaling sa Dios, at sa Dios din paroroon,
4 Ay nagtindig sa paghapon, at itinabi ang kaniyang mga damit; at siya'y kumuha ng isang toalya, at ibinigkis sa kaniyang sarili.
5 Nang magkagayo'y nagsalin ng tubig sa kamaw, at pinasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad, at kinuskos ng toalya na sa kaniya'y nakabigkis.
6 Sa gayo'y lumapit siya kay Simon Pedro. Sinabi niya sa kaniya, Panginoon, huhugasan mo baga ang aking mga paa?
7 Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Ang ginagawa ko'y hindi mo nalalaman ngayon; datapuwa't mauunawa mo pagkatapos.
8 Sinabi sa kaniya ni Pedro, Huwag mong huhugasan ang aking mga paa kailan man. Sinagot siya ni Jesus, Kung hindi kita huhugasan, ay hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin.
9 Sinabi sa kaniya ni Simon Pedro, Panginoon, hindi ang aking mga paa lamang, kundi pati ng aking mga kamay at ang aking ulo.
10 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ang napaliguan na ay walang kailangang hugasan maliban ang kaniyang mga paa, sapagka't malinis nang lubos: at kayo'y malilinis na, nguni't hindi ang lahat.
11 Sapagka't nalalaman niya ang sa kaniya'y magkakanulo; kaya't sinabi niya, Hindi kayong lahat ay malilinis.
12 Kaya't nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, at makuha ang kaniyang mga damit at muling maupo, ay sinabi niya sa kanila, Nalalaman baga ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?
13 Tinatawag ninyo akong Guro, at Panginoon: at mabuti ang inyong sinasabi; sapagka't ako nga.
14 Kung ako nga, na Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo naman ay nararapat ding mangaghugasan ng mga paa ng isa't isa.
15 Sapagka't kayo'y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo.
16 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang alipin ay hindi dakila kay sa kaniyang panginoon; ni ang sinugo man ay dakila kay sa nagsugo sa kaniya.
17Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, kayo ay mapapalad kung inyong mga gawin.
18Hindi ko sinasalita tungkol sa inyong lahat: nalalaman ko ang aking mga hinirang: nguni't upang matupad ang kasulatan, Ang kumakain ng aking tinapay ay nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin.
19Mula ngayon ay sinasalita ko sa inyo bago mangyari, upang, pagka nangyari, kayo'y magsisampalataya na ako nga.
20Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang tumatanggap sa sinoman sinusugo ko ay ako ang tinatanggap; at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang nagsugo sa akin.
21Nang masabing gayon ni Jesus, siya'y nagulumihanan sa espiritu, at pinatotohanan, at sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo.
22Ang mga alagad ay nangagtingintinginan, na nangagaalinlangan kung kanino niya sinasalita.
23Sa dulang ay may isa sa kaniyang mga alagad, na minamahal ni Jesus na nakahilig sa sinapupunan ni Jesus.
24Hinudyatan nga siya ni Simon Pedro, at sinabi sa kaniya, Sabihin mo sa amin kung sino ang sinasalita niya.
25Ang nakahilig nga sa dibdib ni Jesus ay nagsabi sa kaniya, Panginoon, sino yaon?
26Sumagot nga si Jesus, Yaong aking ipagsawsaw at bigyan ng tinapay ay siya nga. Kaya't nang maisawsaw niya ang tinapay, ay kinuha niya at ibinigay niya kay Judas, na anak ni Simon Iscariote.
27At pagkatapos na maisubo, si Satanas nga ay pumasok sa kaniya. Sinabi nga sa kaniya ni Jesus, Ang ginagawa mo, ay gawin mong madali.
28Hindi nga natalastas ng sinomang nasa dulang kung sa anong kadahilanan sinalita niya ito.
29Sapagka't iniisip ng ilan, na sapagka't si Judas ang may tangan ng supot, ay sinabi ni Jesus sa kaniya, Bumili ka ng mga bagay na ating kailangan sa pista; o, magbigay siya ng anoman sa mga dukha.
30Nang kaniya ngang matanggap ang subo ay umalis agad: at noo'y gabi na.
31Nang siya nga'y makalabas na, ay sinabi ni Jesus, Ngayon ay niluluwalhati ang Anak ng tao, at ang Dios ay niluluwalhati sa kaniya:
32At luluwalhatiin siya ng Dios sa kaniyang sarili, at pagdaka'y luluwalhatiin siya niya.
33Maliliit na anak, sumasa inyo pa ako ng kaunting panahon. Ako'y inyong hahanapin: at gaya ng sinabi ko sa mga Judio, Sa paroroonan ko, ay hindi kayo mangakaparoon: gayon ang sinasabi ko sa inyo ngayon.
34Isang bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y mangagibigan sa isa't isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa't isa.
35Sa ganito'y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pagibig sa isa't isa.
36Sinabi sa kaniya ni Simon Pedro, Panginoon, saan ka paroroon? Sumagot si Jesus, Sa paroroonan ko, ay hindi ka makasusunod sa akin ngayon: nguni't pagkatapos ay makasusunod ka.
37Sinabi sa kaniya ni Pedro, Panginoon, bakit hindi ako makasusunod sa iyo ngayon? Ang aking buhay ay ibibigay ko dahil sa inyo.
38Sumagot si Jesus. Ang buhay mo baga'y iyong ibibigay dahil sa akin? Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Hindi titilaok ang manok, hanggang ikaila mo akong makaitlo.