Kabanata 12
1 Anim na araw nga bago magpaskua ay naparoon si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro, na ibinangon ni Jesus mula sa mga patay.
2 Kaya't iginawa siya doon ng isang hapunan: at si Marta ay naglilingkod; datapuwa't si Lazaro ay isa sa nangakaupo sa pagkain na kasalo niya.
3 Si Maria nga'y kumuha ng isang libra ng unguentong taganas na nardo, na totoong mahalaga, at pinahiran ang mga paa ni Jesus, at kinuskos ang kaniyang mga paa ng kaniyang mga buhok: at ang bahay ay napuno ng amoy ng unguento.
4 Datapuwa't si Judas Iscariote, na isa sa kaniyang mga alagad, na sa kaniya'y magkakanulo, ay nagsabi,
5 Bakit hindi ipinagbili ang unguentong ito ng tatlong daang denario, at ibigay sa mga dukha?
6 Ito'y sinabi nga niya, hindi sapagka't ipinagmalasakit niya ang mga dukha; kundi sapagka't siya'y magnanakaw, at yamang nasa kaniya ang supot ay kinukuha niya ang doon ay inilalagay.
7 Sinabi nga ni Jesus, Pabayaan ninyong ilaan niya ito ukol sa araw ng paglilibing sa akin.
8 Sapagka't ang mga dukha ay laging nasa inyo; nguni't ako'y hindi laging nasa inyo.
9 Ang karaniwang mga tao nga sa mga Judio ay naalaman na siya'y naroroon: at sila'y nagsiparoon, hindi dahil kay Jesus lamang, kundi upang makita nila si Lazaro naman, na muling ibinangon niya mula sa mga patay.
10 Datapuwa't nangagsanggunian ang mga pangulong saserdote upang kanilang maipapatay pati si Lazaro;
11 Sapagka't dahil sa kaniya'y marami sa mga Judio ang nagsisialis at nagsisipanampalataya kay Jesus.
12 Nang kinabukasan ang isang malaking karamihan na nagsiparoon sa pista, pagkabalita nila na si Jesus ay dumarating sa Jerusalem,
13 Ay nagsikuha ng mga palapa ng mga puno ng palma, at nagsilabas na sumalubong sa kaniya, na nagsisigawan, Hosanna: Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon, sa makatuwid baga'y ang Hari ng Israel.
14 At si Jesus, pagkasumpong sa isang batang asno, ay sumakay doon, gaya ng nasusulat,
15 Huwag kang matakot, anak na babae ng Sion: narito, ang iyong Hari ay pumaparito, na nakasakay sa isang anak ng asno.
16 Ang mga bagay na ito ay hindi napagunawa ng kaniyang mga alagad sa pasimula: nguni't nang si Jesus ay maluwalhati na, ay saka nila naalaala na ang mga bagay na ito ay sinulat tungkol sa kaniya, at kanilang ginawa ang mga bagay na ito sa kaniya.
17Ang karamihan ngang kasama niya nang tawagin niya si Lazaro mula sa libingan, at siya'y ibangon sa mga patay, ay siyang nangagpapatotoo.
18Dahil dito rin naman ang karamihan ay nagsiyaon at sumalubong sa kaniya, sapagka't nabalitaan nila na siyang gumawa ng tandang ito.
19Ang mga Fariseo nga'y nangagsangusapan, Tingnan ninyo kung paanong kayo'y walang anomang ikapanaig; narito, ang sanglibutan ay sumusunod sa kaniya.
20Mayroon ngang ilang Griego sa nagsiahon sa kapistahan upang magsisamba:
21Ang mga ito nga'y nagsilapit kay Felipe, na taga Betsaida ng Galilea, at nagsipamanhik sa kaniya, na sinasabi, Ginoo, ibig sana naming makita si Jesus.
22Lumapit si Felipe at sinabi kay Andres: lumapit si Andres, at si Felipe, at kanilang sinabi kay Jesus.
23At sinagot sila ni Jesus, na nagsasabi, Dumating na ang oras, na ang Anak ng tao ay luluwalhatiin.
24Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maliban ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ay natitira siyang magiisa; nguni't kung mamatay, ay nagbubunga ng marami.
25Ang umiibig sa kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang napopoot sa kaniyang buhay sa sanglibutang ito ay maiingatan yaon sa buhay na walang hanggan.
26Kung ang sinomang tao'y naglilingkod sa akin, ay sumunod sa akin; at kung saan ako naroroon, ay doon naman doroon ang lingkod ko: kung ang sinomang tao'y maglingkod sa akin, ay siya'y pararangalan ng Ama.
27Ngayon ay nagugulumihanan ang aking kaluluwa; at ano ang aking sasabihin? Ama, iligtas mo ako sa oras na ito. Nguni't dahil dito ay naparito ako sa oras na ito.
28Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan. Dumating nga ang isang tinig na mula sa langit, na nagsasabi, Niluwalhati ko na, at muli kong luluwalhatiin.
29Ang karamihan ngang nangaroroon, at nangakarinig, ay nagsipagsabing kumulog: sinabi ng mga iba, Isang anghel ang nakipagusap sa kaniya.
30Sumagot si Jesus at sinabi, Ang tinig na ito'y hindi dumating dahil sa akin, kundi dahil sa inyo.
31Ngayon ang paghatol sa sanglibutang ito: ngayon ang prinsipe ng sanglibutang ito ay palalayasin.
32At ako, kung ako'y mataas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay palalapitin ko sa akin din.
33Datapuwa't ito'y sinabi niya, na ipinaaalam kung sa anong kamatayan ang ikamamatay niya.
34Sinagot nga siya ng karamihan, Aming narinig sa kautusan na ang Cristo ay lumalagi magpakailan man: at paanong sinasabi mo, Kinakailangan na ang Anak ng tao ay mataas? sino ang Anak ng taong ito?
35Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Kaunting panahon na lamang sasagitna ninyo ang ilaw. Kayo'y magsilakad samantalang nasa inyo ang ilaw, upang huwag kayong abutin ng kadiliman: at ang lumalakad sa kadiliman ay hindi nalalaman kung saan siya tutungo.
36Samantalang nasa inyo ang ilaw, ay magsisampalataya kayo sa ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng ilaw. Ang mga bagay na ito'y sinalita ni Jesus, at siya'y umalis at nagtago sa kanila.
37Nguni't bagaman gumawa siya sa harap nila ng gayon maraming mga tanda, gayon ma'y hindi sila nagsisampalataya sa kaniya:
38Upang maganap ang salita ng propeta Isaias, na kaniyang sinalita, Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita? At kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?
39Dahil dito'y hindi sila makapaniwala, sapagka't muling sinabi ni Isaias,
40Binulag niya ang kanilang mga mata, at pinatigas niya ang kanilang mga puso; Baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata, at mangakaunawa ng kanilang puso At mangagbalik-loob, At sila'y mapagaling ko.
41Ang mga bagay na ito'y sinabi ni Isaias, sapagka't nakita niya ang kaniyang kaluwalhatian; at siya'y nagsalita ng tungkol sa kaniya.
42Gayon man maging sa mga pinuno ay maraming nagsisampalataya sa kaniya; datapuwa't dahil sa mga Fariseo ay hindi nila ipinahayag, baka sila'y mapalayas sa sinagoga:
43Sapagka't iniibig nila ng higit ang kaluwalhatian sa mga tao kay sa kaluwalhatian sa Dios.
44At si Jesus ay sumigaw at nagsabi, Ang sumasampalataya sa akin, ay hindi sa akin sumasampalataya, kundi doon sa nagsugo sa akin.
45At ang nakakita sa akin, ay nakakita doon sa nagsugo sa akin.
46Ako'y naparito na isang ilaw sa sanglibutan, upang ang sinomang sumampalataya sa akin ay huwag manatili sa kadiliman.
47At kung ang sinomang tao'y nakikinig sa aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi ko siya hinahatulan: sapagka't hindi ako naparito upang humatol sa sanglibutan, kundi upang iligtas ang sanglibutan.
48Ang nagtatakuwil sa akin, at hindi tumatanggap sa aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang aking sinalita, ay siyang sa kaniya'y hahatol sa huling araw.
49Sapagka't ako'y hindi nagsasalita na mula sa aking sarili; kundi ang Ama na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng utos, kung ano ang dapat kong sabihin, at kung ano ang dapat kong salitain.
50At nalalaman ko na ang kaniyang utos ay buhay na walang hanggan; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng Ama, gayon ko sinasalita.