Kabanata 21

1 Ang hula tungkol sa ilang na nasa baybayin ng dagat. Kung paanong umiikot ang mga ipoipo sa Timugan gayon dumarating ang hangin na mula sa ilang mula sa kakilakilabot na lupain.
2 Isang malubhang pangitain ay naipahayag sa akin; ang manggagawa ng karayaan ay gumagawang may karayaan, at ang mananamsam ay nananamsam. Umahon ka, Oh Elam; kumubkob ka, Oh Media; lahat ng buntong-hininga niya'y aking pinatigil.
3 Kaya't ang aking mga balakang ay puspos ng kahirapan; mga hirap ay dinamdam ko, gaya ng mga hirap ng babae sa pagdaramdam; ako'y naghihirap na anopa't hindi ako makarinig; ako'y nanglulupaypay na anopa't hindi ako makakita.
4 Ang aking puso ay sumisikdo, kakilabutan ay tumakot sa akin: ang pagtatakip-silim na aking ninasa ay naging kapanginigan sa akin.
5 Sila'y nangaghanda ng dulang, sila'y nangaglagay ng bantay, sila'y nagsisikain, sila'y nagsisiinom: magsitindig kayo, kayong mga pangulo, inyong ihanda ang kalasag.
6 Sapagka't ganito ang sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay yumaon, maglagay ka ng bantay; ipahayag niya kung ano ang nakikita niya:
7 At pagka siya'y nakakita ng pulutong, ng mga nangangabayong dalawa't dalawa, ng mga asno, ng pulutong ng mga kamelyo siya'y masikap na makikinig na ma'y pagiingat.
8 At siya'y umungal na parang leon: Oh Panginoon, ako'y tumatayong lagi sa moog na bantayan kung araw, at ako'y tumatanod sa aking bantayan na magdamagan:
9 At, narito, dito'y dumarating ang isang pulutong na lalake, mga nangangabayong dalawa't dalawa. At siya'y sumagot at nagsabi, Babilonia ay nabagsak, nabagsak, at lahat na larawang inanyuan na kaniyang mga dios ay nangabagsak sa lupa.
10 Oh ikaw na aking giniik, at trigo ng aking giikan: ang aking narinig sa Panginoon ng mga hukbo, sa Dios ng Israel, aking ipinahayag sa iyo.
11 Ang hula tungkol sa Duma. May tumatawag sa akin mula sa Seir, Bantay, anong nangyari sa gabi? Bantay, anong nangyari sa gabi?
12 Sinabi ng bantay, Ang umaga ay dumarating, at gayon din ang gabi: kung inyong uusisain, usisain ninyo: magsipihit kayo, parito kayo.
13 Ang hula tungkol sa Arabia. Sa gubat ng Arabia ay magsisitigil kayo, Oh kayong nangaglalakbay na pulupulutong na mga Dedaneo.
14 Ang nauuhaw ay dinadalhan nila ng tubig; sinalubong ng mga nananahan sa lupain ng Tema na may kanilang tinapay ang mga bihag.
15 Sapagka't kanilang tinatakasan ang mga tabak, ang bunot na tabak, at ang akmang busog, at ang lala ng digmaan.
16 Sapagka't ganito ang sinabi ng Panginoon sa akin, Sa loob ng isang taon, ayon sa mga taon ng magpapaupa, ang lahat ng kaluwalhatian ng Cedar ay mapapawi:
17At ang malabi sa bilang sa mga mangbubusog, sa mga makapangyarihang lalake na mga anak ni Cedar, ay mangiilan: sapagka't ang Panginoon, ang Dios ng Israel, siyang nagsalita.