Kabanata 20
1 Nang taong dumating si Tartan kay Asdod, nang suguin siya ni Sargon na hari sa Asiria, at siya'y makipaglaban kay Asdod, at sakupin niya;
2 Nang panahong yaon ay nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan ni Isaias na anak ni Amoz, na nagsasabi, Ikaw ay yumaon, at kalagin mo ang kayong magaspang sa iyong mga balakang, at maghubad ka ng iyong panyapak sa iyong paa. At ginawa niyang gayon na lumakad na hubad at walang panyapak.
3 At sinabi ng Panginoon, Kung paanong ang aking lingkod na si Isaias ay lumakad na hubad at walang panyapak na tatlong taon na pinakatanda at pinakakamanghaan sa Egipto at sa Etiopia;
4 Gayon ihahatid ng hari sa Asiria ang mga bihag sa Egipto, at ang mga tapon sa Etiopia, bata at matanda, hubad at walang panyapak, at may mga pigi na litaw, sa ikapapahiya ng Egipto.
5 At sila'y manganglulupaypay at mangapapahiya, dahil sa Etiopia na kanilang pagasa at sa Egipto na kanilang kaluwalhatian.
6 At ang nananahan sa baybaying ito ay mangagsasabi sa araw na yaon, Narito, gayon na lamang ang aming pagasa, na aming tinakasan na hiningan ng tulong upang makalaya sa hari sa Asiria: at kami paanong makatatanan?