Kabanata 62
1 Sa Dios lamang naghihintay ng tahimik ang aking kaluluwa: sa kaniya galing ang aking kaligtasan.
2 Siya lamang ang aking kanlungan at aking kaligtasan: siya ang aking matayog na moog; hindi ako lubhang makikilos.
3 Hanggang kailan maghahaka kayo ng masama laban sa isang tao. Upang patayin siya ninyong lahat, na gaya ng pader na tumagilid, o bakod na nabubuwal?
4 Sila'y nagsisisangguni lamang upang ibagsak siya sa kaniyang karilagan; sila'y natutuwa sa mga kasinungalingan: sila'y nagsisibasbas ng kanilang bibig, nguni't nanganunumpa sa loob. (Selah)
5 Kaluluwa ko, maghintay kang tahimik sa Dios lamang; sapagka't ang aking pagasa ay mula sa kaniya.
6 Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan: siya'y aking matayog na moog; hindi ako makikilos.
7 Nasa Dios ang aking kaligtasan at aking kaluwalhatian; ang malaking bato ng aking kalakasan, at ang kanlungan ko'y nasa Dios.
8 Magsitiwala kayo sa kaniya buong panahon, kayong mga bayan; buksan ninyo ang inyong dibdib sa harap niya; Dios ay kanlungan sa atin. (Selah)
9 Tunay na walang kabuluhan ang mga taong may mababang kalagayan, at ang mga taong may mataas na kalagayan ay kabulaanan: sa mga timbangan ay sasampa sila; silang magkakasama ay lalong magaan kay sa walang kabuluhan.
10 Huwag kang tumiwala sa kapighatian, at huwag maging walang kabuluhan sa pagnanakaw: kung ang mga kayamanan ay lumago, huwag ninyong paglalagakan ng inyong puso.
11 Ang Dios ay nagsalitang minsan, makalawang aking narinig ito; na ang kapangyarihan ay ukol sa Dios:
12 Sa iyo naman, Oh Panginoon, ukol ang kagandahang-loob: sapagka't ikaw ay nagbabayad sa bawa't tao ayon sa kaniyang gawa.