Kabanata 50
1 Ang makapangyarihang Dios, ang Dios na Panginoon, ay nagsalita, at tinawag ang lupa mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyaon.
2 Mula sa Sion na kasakdalan ng kagandahan, sumilang ang Dios.
3 Ang aming Dios ay darating at hindi tatahimik; isang apoy na mamumugnaw sa harap niya, at magiging totoong malaking bagyo sa palibot niya.
4 Siya'y tatawag sa langit sa itaas, at sa lupa upang mahatulan niya ang kaniyang bayan:
5 Pisanin mo ang aking mga banal sa akin; yaong nangakikipagtipan sa akin sa pamamagitan ng hain.
6 At ipahahayag ng langit ang kaniyang katuwiran; sapagka't ang Dios ay siyang hukom. (Selah)
7 Iyong dinggin, Oh aking bayan, at ako'y magsasalita; Oh Israel, at ako'y magpapatotoo sa iyo: Ako'y Dios, iyong Dios.
8 Hindi kita sasawayin dahil sa iyong mga hain; at ang iyong mga handog na susunugin ay laging nangasa harap ko.
9 Hindi ako kukuha ng baka sa iyong bahay, ni ng kambing na lalake sa iyong mga kawan.
10 Sapagka't bawa't hayop sa gubat ay akin, at ang hayop sa libong burol.
11 Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok: at ang mga mabangis na hayop sa parang ay akin.
12 Kung ako'y magutom ay hindi ko sasaysayin sa iyo: sapagka't ang sanglibutan ay akin, at ang buong narito.
13 Kakanin ko ba ang laman ng mga toro, o iinumin ang dugo ng mga kambing?
14 Ihandog mo sa Dios ang haing pasasalamat: at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataastaasan:
15 At tumawag ka sa akin sa kaarawan ng kabagabagan; ililigtas kita, at iyong luluwalhatiin ako.
16 Nguni't sa masama ay sinasabi ng Dios, Anong iyong gagawin upang ipahayag ang aking mga palatuntunan, at iyong kinuha ang aking tipan sa iyong bibig?
17Palibhasa't iyong kinapopootan ang pagtuturo, at iyong iniwawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.
18Pagka nakakita ka ng magnanakaw, pumipisan ka sa kaniya, at naging kabahagi ka ng mga mapangalunya.
19Iyong ibinubuka ang iyong bibig sa kasamaan, at ang iyong dila ay kumakatha ng karayaan.
20Ikaw ay nauupo, at nagsasalita laban sa iyong kapatid; iyong dinudusta ang anak ng iyong sariling ina.
21Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y tumahimik; iyong inisip na tunay na ako'y gayong gaya mo: nguni't sasawayin kita, at aking isasaayos sa harap ng iyong mga mata.
22Gunitain nga ninyo ito, ninyong nangakalilimot sa Dios, baka kayo'y aking pagluraylurayin at walang magligtas:
23Ang naghahandog ng haing pasasalamat ay lumuluwalhati sa akin; at sa kaniya na nagaayos ng kaniyang pakikipagusap aking ipakikita ang pagliligtas ng Dios.