Kabanata 4
1 Saan nagbubuhat ang mga pagbabaka at saan nagbubuhat ang mga pagaaway sa inyo? hindi baga nagbubuhat dito, sa inyong mga kalayawan na bumabaka sa inyong mga sangkap?
2 Kayo'y nangagiimbot, at kayo'y wala: kayo'y nagsisipatay, at kayo'y nangaiinggit, at hindi maaaring kamtan: kayo'y nangakikipagaway at nangakikipagbaka; kayo'y wala, sapagka't hindi kayo nagsisihingi.
3 Kayo'y nagsisihingi, at hindi kayo nagsisitanggap, sapagka't nagsisihingi kayo ng masama, upang gugulin sa inyong mga kalayawan.
4 Kayong mga mangangalunya, hindi baga ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanglibutan ay pakikipagaway sa Dios? Sinoman ngang magibig na maging kaibigan ng sanglibutan ay nagiging kaaway ng Dios.
5 O iniisip baga ninyo na ang kasulatan ay nagsasalita ng walang kabuluhan? Ang Espiritu baga na pinatira sa atin ay nagnanais hanggang sa kapanaghilian?
6 Nguni't siya'y nagbibigay ng lalong biyaya. Kaya't sinasabi ng kasulatan, Ang Dios ay sumasalansang sa mga palalo, datapuwa't nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.
7 Pasakop nga kayo sa Dios; datapuwa't magsisalangsang kayo sa diablo, at tatakas siya sa inyo.
8 Magsilapit kayo sa Dios, at siya'y lalapit sa inyo. Mangaglinis kayo ng inyong mga kamay, kayong mga makasalanan; at dalisayin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang akala.
9 Kayo'y mangagpighati, at magsihibik, at magsitangis: inyong palitan ang inyong pagtawa ng paghibik, at ang inyong kagalakan ng kalumbayan.
10 Mangagpakababa kayo sa paningin ng Panginoon, at kaniyang itataas kayo.
11 Huwag kayong mangagsalita ng laban sa isa't isa, mga kapatid. Ang nagsasalita laban sa kapatid, o humahatol sa kaniyang kapatid, ay nagsasalita laban sa kautusan, at humahatol sa kautusan: datapuwa't kung ikaw ay humahatol sa kautusan, hindi ka na tagatupad ng kautusan, kundi hukom.
12 Iisa ang tagapagbigay ng kautusan at hukom, sa makatuwid baga'y ang makapagliligtas at makapagwawasak: datapuwa't sino ka na humahatol sa iyong kapuwa?
13 Magsiparito ngayon, kayong nagsisipagsabi, Ngayon o bukas ay magsisiparoon kami sa gayong bayan, at titira kami doong isang taon, at mangangalakal, at magtutubo:
14 Kayo ngang hindi nakaaalam ng mangyayari bukas. Ano ang inyong buhay? Kayo nga'y isang singaw na sa sangdaling panahon ay lumilitaw, at pagdaka'y napapawi.
15 Sapagka't ang dapat ninyong sabihin ay, Kung loloobin ng Panginoon ay mangabubuhay kami, at gagawin namin ito o yaon.
16 Datapuwa't ngayon ay nagmamapuri kayo sa inyong mga pagpapalalo: ang lahat ng ganitong pagmamapuri ay masama.
17Sa nakakaalam nga ng paggawa ng mabuti, at hindi ginagawa, ito'y kasalanan sa kaniya.