Kabanata 9
1 Ngayon, ang unang tipan din ay nagkaroon ng mga palatuntunan ng pagsamba sa Dios, at ng kaniyang santuario, ang santuario ng sanglibutang ito.
2 Sapagka't inihanda ang isang tabernakulo, ang una, na kinaroroonan ng kandelero, at ng dulang, at ng mga tinapay na handog; na siyang tinatawag na Dakong Banal.
3 At sa likod ng ikalawang tabing ay ang tabernakulo na tinatawag na Dakong Kabanalbanalan;
4 Na may isang gintong dambana ng kamangyan at kaban ng tipan, at ang paligid ay nakakalupkupan ng ginto, na siyang kinaroroonan ng sisidlang-ginto na may lamang mana, at tungkod ni Aaron na namulaklak, at mga tapyas na bato ng tipan;
5 At sa ibabaw nito ay ang mga querubin ng kaluwalhatian na nangagsisililim sa luklukan ng awa; na ang mga bagay na ito ay hindi natin mapaguusapan ngayon ng isa isa.
6 At sa ganitong pagkahanda ng mga bagay na ito, sa unang tabernakulo ay palaging nagsisipasok ang mga saserdote, na tinutupad ang mga katungkulan;
7 Datapuwa't sa ikalawa ay pumapasok na nagiisa ang dakilang saserdote, minsan sa isang taon, na hindi walang dalang dugo, na inihahandog na patungkol sa kaniyang sarili, at sa mga kamalian ng bayan:
8 Na ipinakikilala ng Espiritu Santo, na hindi pa naihahayag ang pagpasok sa dakong banal samantalang natatayo pa ang unang tabernakulo;
9 Na yao'y isang talinghaga ng panahong kasalukuyan; ayon dito ay inihahandog ang mga kaloob at ang mga hain, tungkol sa budhi, na hindi magpapasakdal sa sumasamba,
10 Palibhasa'y palatuntunan lamang na ukol sa laman, na iniatang hanggang sa panahon ng pagbabago (gaya ng mga pagkain, at mga inumin at sarisaring paglilinis).
11 Nguni't pagdating ni Cristo na dakilang saserdote ng mabubuting bagay na darating, sa pamamagitan ng lalong malaki at lalong sakdal na tabernakulo, na hindi gawa ng mga kamay, sa makatuwid baga'y hindi sa paglalang na ito,
12 At hindi rin naman sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at ng mga bulong baka, kundi sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo, ay pumasok na minsan magpakailan man sa dakong banal, na kinamtan ang walang hanggang katubusan.
13 Sapagka't kung ang dugo ng mga kambing at ng mga baka, at ang abo ng dumalagang baka na ibinubudbod sa mga nadungisan, ay makapagiging banal sa ikalilinis ng laman:
14 Gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng Espiritu na walang hanggan ay inihandog ang kaniyang sarili na walang dungis sa Dios, ay maglilinis ng inyong budhi sa mga gawang patay upang magsipaglingkod sa Dios na buhay?
15 At dahil dito'y siya ang tagapamagitan ng isang bagong tipan, upang sa pamamagitan ng isang kamatayan na ukol sa ikatutubos ng mga pagsalangsang na nasa ilalim ng unang tipan, ang mga tinawag ay magsitanggap ng pangako na manang walang hanggan.
16 Sapagka't kung saan mayroong tipan doo'y kinakailangan ang kamatayan ng gumawa niyaon.
17Sapagka't ang isang tipan ay may kabuluhan kung mamatay ang gumawa: sa ibang paraa'y walang anomang kabuluhan samantalang nabubuhay ang gumawa.
18Kaya't ang una mang tipan ay hindi itinalaga ng walang dugo.
19Sapagka't nang salitain ni Moises ang bawa't utos sa buong bayan ayon sa kautusan, ay kumuha siya ng dugo ng mga bulong baka at ng mga kambing, na may tubig at balahibong mapula ng tupa at isopo, at winisikan ang aklat at gayon din ang buong bayan,
20Na sinasabi, Ito ang dugo ng tipan na iniutos ng Dios tungkol sa inyo.
21Gayon din ang tabernakulo at ang lahat ng mga kasangkapan sa pangangasiwa ay pinagwiwisikan niya ng dugo sa gayon ding paraan.
22At ayon sa kautusan, ay halos masasabi kong lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran.
23Kinakailangan nga na ang mga anyo ng mga bagay sa sangkalangitan ay linisin ng mga ito; nguni't ang mga bagay ring ito sa sangkalangitan ay linisin ng lalong mabubuting handog kay sa rito.
24Sapagka't hindi pumasok si Cristo sa dakong banal na ginawa ng mga kamay, na kahalintulad lamang ng tunay; kundi sa talagang langit, upang humarap ngayon sa harapan ng Dios dahil sa atin:
25At siya'y hindi rin naman kailangang ihandog na madalas pa ang kaniyang sarili, na gaya ng dakilang saserdote na pumapasok sa dakong banal taon-taon na may dalang dugo na hindi niya sarili;
26Sa ibang paraan ay kailangan na siya'y magbatang madalas mula nang itatag ang sanglibutan: datapuwa't ngayon ay minsan siya'y nahayag sa katapusan ng mga panahon upang alisin ang kasalanan sa pamamagitan ng pagkahandog ng kaniyang sarili.
27At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom;
28Ay gayon din naman si Cristo, na inihandog na minsan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami, sa ikalawa'y pakikita na hiwalay sa kasalanan, sa ikaliligtas ng mga nagsisipaghintay sa kaniya.