Tito

Kabanata: 1 2 3


Kabanata 1

1 Si Pablo, na alipin ng Dios, at apostol ni Jesucristo, ayon sa pananampalataya ng mga hinirang ng Dios, at sa pagkaalam ng katotohanan na ayon sa kabanalan,
2 Sa pagasa sa buhay na walang hanggan, na ipinangako ng Dios na di makapagsisinungaling buhat pa ng mga panahong walang hanggan;
3 Nguni't sa kaniyang mga panahon ay ipinahayag ang kaniyang salita sa pangangaral, na sa akin ay ipinagkatiwala ayon sa utos ng Dios na ating Tagapagligtas;
4 Kay Tito na aking tunay na anak ayon sa pananampalataya ng lahat: Biyaya at kapayapaan nawang mula sa Dios Ama at kay Cristo Jesus na Tagapagligtas natin.
5 Dahil dito'y iniwan kita sa Creta, upang husayin mo ang mga bagay na nagkukulang, at maghalal ng mga matanda sa bawa't bayan, na gaya ng ipinagbilin ko sa iyo;
6 Kung ang sinoman ay walang kapintasan, asawa ng isang babae lamang, na may mga anak na nagsisisampalataya, na hindi maisusumbong sa pangliligalig o suwail.
7 Sapagka't dapat na ang obispo ay walang kapintasan, palibhasa siya'y katiwala ng Dios; hindi mapagsariling kalooban, hindi magagalitin, hindi manggugulo, hindi palaaway, hindi masakim sa mahalay na kapakinabangan;
8 Kundi mapagpatuloy, maibigin sa mabuti, mahinahon ang pagiisip, matuwid, banal, mapagpigil;
9 Na nananangan sa tapat na salita na ayon sa turo, upang umaral ng magaling na aral, at papaniwalain ang nagsisisalangsang.
10 Sapagka't may maraming mga suwail, na mapagsalita ng walang kabuluhan at mga magdaraya, lalong lalo na yaong mga sa pagtutuli,
11 Na ang kanilang mga bibig ay nararapat matikom; mga taong nagsisipanggulo sa buong mga sangbahayan, na nangagtuturo ng mga bagay na di nararapat, dahil sa mahalay na kapakinabangan.
12 Sinabi ng isa sa kanila rin, ng isang propetang sarili nila, Ang mga taga Creta kailan pa man ay mga sinungaling, masasamang hayop, matatakaw na mga tamad.
13 Ang patotoong ito ay tunay. Dahil dito'y sawayin mong may kabagsikan sila, upang mangapakagaling sa pananampalataya,
14 Na huwag mangakinig sa mga katha ng mga Judio, at sa mga utos ng mga tao na nangagsisisinsay sa katotohanan.
15 Sa malinis ang lahat ng mga bagay ay malinis: datapuwa't sa nangahawa at di nagsisisampalataya ay walang anomang malinis; kundi pati ng kanilang pagiisip at kanilang budhi ay pawang nangahawa.
16 Sila'y nangagpapanggap na nakikilala nila ang Dios; nguni't ikinakaila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, palibhasa'y mga malulupit, at mga masuwayin, at mga itinakuwil sa bawa't gawang mabuti.