Kabanata 2
1 Kaya nga nalalaman ninyo rin, mga kapatid, na ang aming pagkapasok sa inyo, ay hindi nawalan ng kabuluhan:
2 Kundi palibhasa'y nagsipagbata kami nang una at inalipusta, gaya ng inyong nalalaman, sa Filipos, ay nangagkaroon kami ng kalakasan ng loob dahil sa ating Dios upang salitain sa inyo ang evangelio ng Dios sa gitna ng maraming kaligaligan.
3 Sapagka't ang aming iniaaral ay hindi sa kamalian, ni sa karumihan, ni sa pagdaraya.
4 Kundi kung paanong kami'y minarapat ng Dios upang pagkatiwalaan kami ng evangelio, ay gayon namin sinasalita; hindi gaya ng nangagbibigay lugod sa mga tao, kundi sa Dios na sumusubok ng aming mga puso.
5 Sapagka't hindi kami nasusumpungang nagsisigamit kailan man ng mga salitang paimbabaw, gaya ng nalalaman ninyo, ni ng balabal man ng kasakiman, saksi ang Dios;
6 Ni nagsihanap man sa mga tao ng kapurihan, ni sa inyo man, ni sa mga iba man, nang maaaring magsigamit kami ng kapamahalaan gaya ng mga apostol ni Cristo.
7 Kundi kami ay nangagpapakalumanay sa gitna ninyo, na gaya ng isang sisiwa pagka inaamoamo ang kaniyang sariling mga anak:
8 Gayon din kami, palibhasa'y may magiliw na pagibig sa inyo, ay kinalugdan naming kayo'y bahaginan, hindi lamang ng evangelio ng Dios, kundi naman ng aming sariling mga kaluluwa, sapagka't kayo'y naging lalong mahal sa amin.
9 Sapagka't inaalaala ninyo, mga kapatid, ang aming pagpapagal at pagdaramdam: amin ngang ipinangaral ang evangelio ng Dios na kami ay gumagawa gabi't araw, upang huwag kaming maging isang pasanin sa kanino man sa inyo.
10 Kayo'y mga saksi, at ang Dios man, kung gaanong pagkabanal at pagkamatuwid at pagkawalang kapintasan ang inugali namin sa inyong nagsisisampalataya:
11 Gaya ng inyong nalalaman kung ano ang inugali namin sa bawa't isa sa inyo, na gaya ng isang ama sa kaniyang sariling mga anak, na kayo'y inaaralan, at pinalalakas ang loob ninyo, at nagpapatotoo,
12 Upang kayo'y magsilakad ng nararapat sa Dios, na siyang tumawag sa inyo sa kaniyang sariling kaharian at kaluwalhatian.
13 At dahil naman dito kami ay nangagpapasalamat na walang patid sa Dios, na nang inyong tanggapin sa amin ang salita na ipinangaral, sa makatuwid baga'y ang salita ng Dios, ay inyong tinanggap na hindi gaya ng salita ng mga tao, kundi, ayon sa katotohanan, na salita ng Dios, na gumagawa naman sa inyo na nagsisisampalataya.
14 Sapagka't kayo, mga kapatid, ay nagsitulad sa mga iglesia ng Dios na nasa Judea kay Cristo Jesus: sapagka't nagsipagbata naman kayo sa inyong sariling mga kababayan, gaya naman nila sa mga Judio;
15 Na nagsipatay sa Panginoong Jesus, at gayon din sa mga propeta, at kami ay kanilang pinalayas, at di nangagbibigay lugod sa Dios, at laban sa lahat ng mga tao;
16 Na pinagbabawalan kaming makipagusap sa mga Gentil upang mangaligtas ang mga ito; upang kanilang paramihing lagi ang kanilang mga kasalanan: nguni't dumating sa kanila ang kagalitan, hanggang sa katapusan.
17Nguni't kami, mga kapatid, na nangahiwalay sa inyong sangdaling panahon, sa katawan hindi sa puso, ay nangagsisikap na lubha, upang makita ang inyong mukha na may dakilang pagnanais:
18Sapagka't nangagnasa kaming pumariyan sa inyo, akong si Pablo, na minsan at muli; at hinadlangan kami ni Satanas.
19Sapagka't ano ang aming pagasa, o katuwaan, o putong, na ipinagmamapuri? Hindi baga kayo rin sa harapan ng ating Panginoong Jesucristo sa kaniyang pagparito?
20Sapagka't kayo ang aming kaluwalhatian at aming katuwaan.