Kabanata 8

1 Ngayon tungkol sa mga bagay na inihain sa mga diosdiosan: Nalalaman natin na tayong lahat ay may kaalaman. Ang kaalaman ay nagpapalalo, nguni't ang pagibig ay nagpapatibay.
2 Kung ang sinoman ay nagaakala na siya'y may nalalamang anoman, ay wala pang nalalaman gaya ng nararapat niyang maalaman;
3 Datapuwa't kung ang sinoman ay umiibig sa Dios, ay kilala niya ang gayon.
4 Tungkol nga sa pagkain ng mga bagay na inihain sa mga diosdiosan, nalalaman natin na ang diosdiosan ay walang kabuluhan sa sanglibutan, at walang Dios liban sa iisa.
5 Sapagka't bagama't mayroong mga tinatawag na mga dios, maging sa langit o maging sa lupa; gaya nang may maraming mga dios at maraming mga panginoon;
6 Nguni't sa ganang atin ay may isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa pamamagitan niya.
7 Gayon ma'y wala sa lahat ng mga tao ang kaalamang iyan: kundi ang ilan na hanggang ngayon ay nangamimihasa sa diosdiosan, ay kumakain na parang isang bagay na inihain sa diosdiosan; at ang kanilang budhi palibhasa'y mahina ay nangahahawa.
8 Datapuwa't ang pagkain ay hindi magtataguyod sa atin sa Dios: ni hindi tayo masama, kung tayo'y di magsikain; ni hindi tayo lalong mabuti, kung tayo'y magsikain.
9 Datapuwa't magsipagingat kayo baka sa anomang paraan ang inyong kalayaang ito ay maging katitisuran sa mahihina.
10 Sapagka't kung makita ng sinomang ikaw na may kaalaman na nakikisalo sa pagkain sa templo ng diosdiosan, hindi baga titibay ang kaniyang budhi, kung siya'y mahina, upang kumain ng mga bagay na inihain sa mga diosdiosan?
11 Sapagka't sa pamamagitan ng iyong kaalaman ay napapahamak ang mahina, ang kapatid na dahil sa kaniya'y namatay si Cristo.
12 At sa ganitong pagkakasala laban sa mga kapatid, at sa pagkakasugat ng kaniyang budhi kung ito'y mahina, ay nangagkakasala kayo laban kay Cristo.
13 Kaya, kung ang pagkain ay nakapagpapatisod sa aking kapatid, kailan man ay hindi ako kakain ng lamang-kati, upang ako'y huwag makapagpatisod sa aking kapatid.