Kabanata 2
1 At aking itinanaw ang aking mga mata, at aking nakita at, narito, ang isang lalake na may panukat na pisi sa kaniyang kamay.
2 Nang magkagayo'y sinabi ko, Saan ka paroroon? At sinabi niya sa akin, Upang sukatin ang Jerusalem, upang tingnan kung gaano ang luwang, at kung gaano ang haba.
3 At, narito, ang anghel na nakikipagusap sa akin ay umalis, at ibang anghel ay lumabas na sumalubong sa kaniya,
4 At sinabi sa kaniya, Tumakbo ka, iyong salitain sa binatang ito, na sabihin, Ang Jerusalem ay tatahanan na parang mga nayon na walang mga kuta, dahil sa karamihan ng mga tao at hayop doon.
5 Sapagka't ako, sabi ng Panginoon, ay magiging sa kaniya'y isang kutang apoy sa palibot, at ako'y magiging kaluwalhatian sa gitna niya.
6 Oy, oy, magsitakas kayo mula sa lupain ng hilagaan, sabi ng Panginoon; sapagka't kayo'y aking pinangalat na parang apat na hangin sa himpapawid, sabi ng Panginoon.
7 Oy Sion, tumanan ka, ikaw na tumatahan na kasama ng anak na babae ng Babilonia.
8 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Dahil sa kaluwalhatian ay sinugo niya ako sa mga bansa na nanamsam sa inyo; sapagka't ang humihipo sa inyo, ay humihipo sa itim ng kaniyang mata.
9 Sapagka't narito, aking ikukumpas ang aking kamay sa kanila, at sila'y magiging samsam niyaong nangaglilingkod sa kanila; at inyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ang nagsugo sa akin.
10 Ikaw ay umawit at magalak, Oh anak na babae ng Sion; sapagka't narito, ako'y naparirito, at ako'y tatahan sa gitna mo, sabi ng Panginoon.
11 At maraming bansa ay magpipisan sa Panginoon sa araw na yaon, at magiging aking bayan; at ako'y tatahan sa gitna mo, at iyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang nagsugo sa akin sa iyo.
12 At mamanahin ng Panginoon ang Juda na pinaka bahagi niya sa banal na lupain at pipiliin pa ang Jerusalem.
13 Tumahimik ang lahat na tao, sa harap ng Panginoon; sapagka't siya'y gumising na sa kaniyang banal na tahanan.