Mikas

Kabanata: 1 2 3 4 5 6 7


Kabanata 4

1 Nguni't sa mga huling araw ay mangyayari, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at matataas sa mga burol; at mga tao'y paroroon sa kaniya.
2 At maraming bansa'y magsisiparoo't mangagsasabi, Magsiparito kayo, at tayo'y magsiahon sa bundok ng Panginoon, at sa bahay ng Dios ni Jacob; at siya'y magtuturo sa atin ng kaniyang mga daan, at tayo'y magsisilakad sa kaniyang mga landas. Sapagka't sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon ay mula sa Jerusalem;
3 At siya'y hahatol sa gitna ng maraming bayan, at sasaway sa mga matibay na bansa sa malayo: at kanilang papandayin ang kanilang mga tabak upang maging sudsud, at ang kanilang mga sibat upang maging karit; ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni magaaral pa man ng pakikipagdigma.
4 Kundi sila'y uupo bawa't isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang punong igos; at walang tatakot sa kanila: sapagka't sinalita ng bibig ng Panginoon ng mga hukbo.
5 Sapagka't ang lahat na bayan ay magsisilakad bawa't isa sa pangalan ng kanikaniyang dios: at tayo'y magsisilakad sa pangalan ng Panginoon nating Dios magpakailan kailan man.
6 Sa araw na yaon, sabi ng Panginoon, aking pipisanin siya na napipilay, at aking titipunin siya na natapon, at siya na aking pinagdalamhati;
7 At aking gagawin ang pilay na isang nalabi, at ang natapon sa malayo na isang matibay na bansa: at ang Panginoon ay maghahari sa kanila sa bundok ng Sion mula ngayon hanggang sa walang hanggan.
8 At ikaw, oh moog ng kawan, na burol ng anak na babae ng Sion, ito sa iyo'y darating, oo, ang dating kapangyarihan ay darating, ang kaharian ng anak na babae ng Jerusalem.
9 Ngayo'y bakit ka sumisigaw ng malakas? Wala ka bagang hari, ang iyo bagang kasangguni ay namatay, upang ang mga paghihirap ay suma iyo na gaya ng babae sa pagdaramdam?
10 Magdamdam ka, at magtiis ka ng hirap, Oh anak na babae ng Sion, na gaya ng babae sa pagdaramdam: sapagka't ngayo'y lalabas ka sa bayan, at ikaw ay tatahan sa parang, at ikaw ay darating hanggang sa Babilonia: doon ka maliligtas; doon ka tutubusin ng Panginoon sa kamay ng iyong mga kaaway.
11 At ngayo'y maraming bansa ay nangagpupulong laban sa iyo, na nangagsasabi, Madumhan siya, at makita ng ating mata ang nasa natin sa Sion.
12 Nguni't hindi nila nalalaman ang mga pagiisip ng Panginoon, ni nauunawa man nila ang kaniyang payo; sapagka't kaniyang pinisan sila na parang mga bigkis sa giikan.
13 Ikaw ay bumangon, at gumiik, Oh anak na babae ng Sion; sapagka't aking gagawing bakal ang iyong sungay, at aking gagawing tanso ang iyong mga kuko; at iyong pagluluraylurayin ang maraming bayan: at iyong itatalaga ang kanilang pakinabang sa Panginoon, at ang kanilang pag-aari ay sa Panginoon ng buong lupa.