Kabanata 6

1 Magsiparito kayo, at tayo'y manumbalik sa Panginoon; sapagka't siya'y lumapa, at pagagalingin niya tayo; siya'y nanakit, at kaniyang tatapalan tayo.
2 Pagkatapos ng dalawang araw ay muling bubuhayin niya tayo: sa ikatlong araw ay ibabangon niya tayo, at tayo'y mangabubuhay sa harap niya.
3 At ating kilalanin, tayo'y magpatuloy upang makilala ang Panginoon: ang kaniyang paglabas ay tunay na parang umaga; at siya'y paririto sa atin na parang ulan, na parang huling ulan na dumidilig ng lupa.
4 Oh Ephraim, ano ang gagawin ko sa iyo? Oh Juda, ano ang gagawin ko sa iyo? sapagka't ang inyong kabutihan ay parang ulap sa umaga, at parang hamog na lumalabas na maaga.
5 Kaya't aking pinutol sila sa pamamagitan ng mga propeta; aking pinatay sila ng mga salita ng aking bibig; at ang iyong mga kahatulan ay parang liwanag na lumalabas.
6 Sapagka't ako'y nagnanasa ng kaawaan, at hindi hain; at ng pagkakilala sa Dios higit kay sa mga handog na susunugin.
7 Nguni't sila gaya ni Adan ay sumalangsang sa tipan: doo'y nagsigawa silang may paglililo laban sa akin.
8 Ang Galaad ay bayang gumagawa ng kasamaan; tigmak sa dugo.
9 At kung paanong ang mga pulutong ng mga tulisan na nagsisiabang sa isang tao, ay gayon ang pulutong ng mga saserdote na nagsisipatay sa daan na dakong Sichem; Oo, sila'y gumawa ng kahalayan.
10 Sa sangbahayan ni Israel ay nakakita ako ng kakilakilabot na bagay: doo'y nagpatutot ang Ephraim, ang Israel ay napahamak.
11 Sa iyo man, Oh Juda, may takdang paggapas, pagka aking ibabalik ang nangabihag sa aking bayan.