Daniel
Kabanata 1
1 Nang ikatlong taon ng paghahari ni Joacim na hari sa Juda, ay dumating sa Jerusalem si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at kinubkob niya yaon.
2 At ibinigay ng Panginoon sa kaniyang kamay si Joacim na hari sa Juda, sangpu ng bahagi ng mga kasangkapan ng bahay ng Dios; at ang mga yao'y dinala niya sa lupain ng Sinar sa bahay ng kaniyang dios: at ipinasok niya ang mga kasangkapan sa silid ng kayamanan ng kaniyang dios.
3 At ang hari ay nagsalita kay Aspenaz, na puno ng kaniyang mga bating, na siya'y magdala ng ilan sa mga anak ni Israel, sa makatuwid baga'y sa lahing hari at sa mga mahal na tao;
4 Mga binatang walang kapintasan, kundi may mabubuting bikas, at matatalino sa lahat na karunungan, at bihasa sa kaalaman, at nakakaunawa ng dunong, at may ganyang kakayahan na makatayo sa palacio ng hari; at kaniyang tuturuan sila ng turo at wika ng mga Caldeo.
5 At ipinagtakda ng hari sila ng bahagi sa araw sa pagkain ng hari, at sa alak na kaniyang iniinom, at sila'y kakandilihin na tatlong taon; upang sa wakas niyao'y mangakatayo sila sa harap ng hari.
6 Na sa mga ito nga, sa mga anak ni Juda, si Daniel, si Ananias, si Misael, at si Azarias.
7 At pinanganlan sila ng pangulo ng mga bating: kay Daniel ang ipinangalan ay Beltsasar, at kay Ananias ay Sadrach; at kay Misael ay Mesach; at kay Azarias ay Abed-nego.
8 Nguni't pinasiyahan ni Daniel sa kaniyang puso na siya'y hindi magpapakahamak sa pagkain ng hari, o sa alak man na kaniyang iniinom: kaya't kaniyang hiniling sa pangulo ng mga bating na siya'y huwag mapahamak.
9 Si Daniel nga ay pinasumpong ng Dios, ng lingap at habag sa paningin ng pangulo ng mga bating.
10 At sinabi ng pangulo ng mga bating kay Daniel, Ako'y natatakot sa aking panginoong hari, na nagtakda ng inyong pagkain at ng inyong inumin: sapagka't bakit niya makikita na ang inyong mga mukha ay maputla kay sa mga binata na inyong mga kasinggulang? isasapanganib nga ninyo ang aking ulo sa hari.
11 Nang magkagayo'y sinabi ni Daniel sa katiwala na inihalal ng pangulo ng mga bating kay Daniel, kay Ananias, kay Misael, at kay Azarias:
12 Ipinamamanhik ko sa iyo, na subukin mo ang iyong mga lingkod, na sangpung araw; at bigyan kami ng mga gulay na makain, at tubig na mainom.
13 Kung magkagayo'y masdan mo ang aming mga mukha sa harap mo, at ang mukha ng mga binata na nagsisikain ng pagkain ng hari; at ayon sa iyong makikita ay gawin mo sa iyong mga lingkod.
14 Sa gayo'y dininig niya sila sa bagay na ito, at sinubok niya sila na sangpung araw.
15 At sa katapusan ng sangpung araw ay napakitang lalong maganda ang kanilang mga mukha, at sila'y lalong mataba sa laman kay sa lahat na binata na nagsisikain ng pagkain ng hari.
16 Sa gayo'y inalis ng katiwala ang kanilang pagkain, at ang alak na kanilang inumin, at binigyan sila ng mga gulay.
17Tungkol nga sa apat na binatang ito, pinagkalooban sila ng Dios ng kaalaman at katalinuhan sa lahat ng turo at karunungan: at si Daniel ay may pagkaunawa sa lahat na pangitain at mga panaginip.
18At sa katapusan ng mga araw na itinakda ng hari sa paghaharap sa kanila, ipinasok nga sila ng pangulo ng mga bating sa harap ni Nabucodonosor.
19At ang hari ay nakipagsalitaan sa kanila; at sa kanilang lahat ay walang nasumpungang gaya ni Daniel, ni Ananias, ni Misael, at ni Azarias: kaya't sila'y nanganatili sa harap ng hari.
20At sa bawa't bagay ng karunungan at unawa, na inusisa ng hari sa kanila, nasumpungan niya silang makasangpung mainam kay sa lahat ng mahiko at mga enkantador na nangasa kaniyang buong kaharian.
21At si Daniel ay namalagi hanggang sa unang taon ng haring Ciro.