Kabanata 11

1 Ang marayang timbangan ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang ganap na timbangan ay kaniyang kaluguran.
2 Pagka dumarating ang kapalaluan ay dumarating nga ang kahihiyan: nguni't nasa mababa ang karunungan.
3 Ang pagtatapat ng mga matuwid ay papatnubay sa kanila: nguni't ang mga kasuwailan ng mga taksil ay papatay sa kanila.
4 Ang mga kayamanan ay walang kabuluhan sa kaarawan ng poot: nguni't ang katuwiran ay nagliligtas sa kamatayan.
5 Ang katuwiran ng sakdal ay magtuturo ng kaniyang lakad: nguni't mabubuwal ang masama dahil sa kaniyang sariling kasamaan.
6 Ang katuwiran ng mga matuwid ay magliligtas sa kanila: nguni't silang gumagawang may karayaan ay madadakip sa kanilang sariling kasamaan.
7 Pagka ang masamang tao ay namamatay, ang kaniyang pag-asa ay mapapasa pagkapahamak; at ang pagasa ng masama ay nawawala.
8 Ang matuwid ay naliligtas sa kabagabagan, at ang masama ay dumarating na kahalili niya.
9 Pinapatay ng masama ng kaniyang bibig ang kaniyang kapuwa: nguni't sa kaalaman ay maliligtas ang matuwid.
10 Pagka napapabuti ang mga matuwid ang bayan ay nagagalak: at pagka ang masama ay namamatay, may hiyawan.
11 Nabubunyi ang bayan sa pamamagitan ng pagpapala ng matuwid: nguni't napapahamak sa pamamagitan ng bibig ng masama.
12 Siyang humahamak sa kaniyang kapuwa ay walang karunungan: nguni't ang taong naguunawa ay tumatahimik.
13 Siyang yumayaong mapaghatid dumapit ay naghahayag ng mga lihim: nguni't ang may diwang tapat ay nagtatakip ng bagay.
14 Kung saan walang pantas na pamamahala, ang bayan ay nababagsak: nguni't sa karamihan ng mga tagapayo ay may kagalingan.
15 Siyang nananagot sa di kilala, ay mapapariwara: nguni't siyang nagtatanim sa pananagot ay tiwasay.
16 Ang mapagbiyayang babae ay nagiimpok ng karangalan: at ang marahas na lalake ay pumipigil ng kayamanan.
17Ang maawaing tao ay gumagawa ng mabuti sa kaniyang sariling kaluluwa: nguni't ang taksil ay bumabagabag sa kaniyang sariling laman.
18Ang masama ay nakikinabang ng mga marayang sahod: nguni't ang naghahasik ng katuwiran ay nagtatamo ng tiwasay na ganting pala.
19Siyang matatag sa katuwiran ay magtatamo ng buhay: at siyang humahabol ng kasamaan ay sa kaniyang sariling ikamamatay.
20Silang suwail sa puso ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang gayong sakdal sa kanilang lakad ay kaniyang kaluguran.
21Bagaman ang kamay ay makikikamay, ang masamang tao ay walang pagsalang parurusahan: nguni't ang binhi ng matuwid ay maliligtas.
22Kung paano ang hiyas na ginto sa nguso ng baboy, gayon ang magandang babae na walang bait.
23Ang nasa ng matuwid ay buti lamang: nguni't ang hintay ng masama ay poot.
24May nagsasabog, at tumutubo pa, at may humahawak naman ng higit kay sa karampatan, nguni't nauuwi lamang sa pangangailangan.
25Ang kaluluwang mapagbigay ay tataba: at siyang dumidilig ay madidilig din.
26Siyang humahawak ng trigo ay susumpain siya ng bayan: nguni't kapurihan ay mapapasaulo niya na nagbibili niyaon.
27Siyang humahanap na masikap ng mabuti ay humahanap ng lingap: nguni't siyang kumakatha ng sama ay sa kaniya lalagpak.
28Siyang tumitiwala sa kaniyang mga kayamanan ay mabubuwal: nguni't ang matuwid ay mamumukadkad na parang sariwang dahon.
29Siyang bumabagabag ng kaniyang sariling sangbahayan ay magmamana ng hangin: at ang mangmang ay magiging alipin ng pantas sa puso.
30Ang bunga ng matuwid ay punong kahoy ng buhay; at siyang pantas ay humihikayat ng mga kaluluwa.
31Narito, ang matuwid ay gagantihin sa lupa: gaano pa nga kaya ang masama at makasalanan!