Kabanata 33

1 Gayon man, Job, isinasamo ko sa iyo na, dinggin mo ang aking pananalita, at pakinggan mo ang lahat ng aking mga salita.
2 Narito, ngayon ay aking ibinuka ang aking bibig; nagsalita ang aking dila sa aking bibig.
3 Sasaysayin ng aking mga salita ang katuwiran ng aking puso; at ang nalalaman ng aking mga labi ay sasalitaing may pagtatapat.
4 Nilalang ako ng Espiritu ng Dios, at ang hinga ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa akin ng buhay.
5 Kung ikaw ay makasasagot ay sumagot ka sa akin; ayusin mo ang iyong mga salita sa harap ko, tumayo ka.
6 Narito, ako'y sa Dios na gaya mo: ako ma'y nilalang mula rin sa putik.
7 Narito, hindi ka tatakutin ng aking kakilabutan, ni ang aking kalakhan man ay magiging mabigat sa iyo.
8 Tunay na ikaw ay nagsalita sa aking pakinig, at aking narinig ang tinig ng iyong mga salita, na nagsasabi,
9 Ako'y malinis na walang pagsalangsang; ako'y walang sala, ni may kasamaan man sa akin:
10 Narito, siya'y nakasumpong ng kadahilanan laban sa akin, ibinilang niya ako na pinakakaaway:
11 Inilagay niya ang aking mga paa sa mga pangawan, kaniyang pinupuna ang lahat na aking landas.
12 Narito, ako'y sasagot sa iyo, dito'y hindi ka ganap; sapagka't ang Dios ay dakila kay sa tao.
13 Bakit ka nakikilaban sa kaniya? Sapagka't hindi siya nagbibigay alam ng anoman sa kaniyang mga usap.
14 Sapagka't ang Dios ay minsang nagsasalita, Oo, makalawa, bagaman hindi pinakikinggan ng tao.
15 Sa isang panaginip, sa isang pangitain sa gabi, pagka ang mahimbing na pagkakatulog ay nahuhulog sa mga tao, sa mga pagkakatulog sa higaan;
16 Kung magkagayo'y ibinubukas niya ang mga pakinig ng mga tao, at itinatatak ang kanilang turo,
17Upang ihiwalay ang tao sa kaniyang panukala, at ikubli ang kapalaluan sa tao;
18Kaniyang pinipigil ang kaniyang kaluluwa sa pagbulusok sa hukay, at ang kaniyang buhay sa pagkamatay sa pamamagitan ng tabak.
19Siya nama'y pinarurusahan ng sakit sa kaniyang higaan, at ng palaging antak sa kaniyang mga buto:
20Na anopa't kinayayamutan ng kaniyang buhay ang tinapay, at ng kaniyang kaluluwa ang pagkaing pinakamasarap,
21Ang kaniyang laman ay natutunaw, na hindi makita; at ang kaniyang mga buto na hindi nakita ay nangalilitaw.
22Oo, ang kaniyang kaluluwa ay nalalapit sa hukay, at ang kaniyang buhay sa mga mangwawasak.
23Kung doroong kasama niya ang isang anghel, isang tagapagpaaninaw, na isa sa gitna ng isang libo, upang ipakilala sa tao kung ano ang matuwid sa kaniya;
24Kung magkagayo'y binibiyayaan niya siya at nagsasabi, Iligtas mo siya sa pagbaba sa hukay, ako'y nakasumpong ng katubusan.
25Ang kaniyang laman ay magiging sariwa kay sa laman ng isang bata; siya'y bumabalik sa mga kaarawan ng kaniyang kabataan:
26Siya'y dumadalangin sa Dios, at nililingap niya siya: na anopa't kaniyang nakikita ang kaniyang mukha na may kagalakan: at kaniyang isinasa tao ang kaniyang katuwiran.
27Siya'y umaawit sa harap ng mga tao, at nagsasabi, Ako'y nagkasala, at sumira ng matuwid, at hindi ko napakinabangan:
28Kaniyang tinubos ang aking kaluluwa sa pagyao sa hukay, at ang aking buhay ay makakakita ng liwanag.
29Narito, ang lahat ng mga bagay na ito ay gawa ng Dios, makalawa, oo, makaitlo sa tao,
30Upang ibalik ang kaniyang kaluluwa mula sa hukay, upang siya'y maliwanagan ng liwanag ng buhay.
31Pansinin mong mabuti, Oh Job, dinggin mo ako: tumahimik ka, at ako'y magsasalita.
32Kung ikaw ay may anomang bagay na sasabihin, sagutin mo ako: ikaw ay magsalita, sapagka't ibig kong ariin kang ganap.
33Kung hindi, dinggin mo ako: tumahimik ka, at tuturuan kita ng karunungan.