Nehemias


Kabanata 1

1 Ang mga salita ni Nehemias na anak ni Hachalias. Nangyari nga sa buwan ng Chislu, sa ikadalawang pung taon, samantalang ako'y nasa bahay-hari sa Susan.
2 Na si Hanani, na isa sa aking mga kapatid, ay dumating, siya at ilang lalake na mula sa Juda; at tinanong ko sila ng tungkol sa mga Judio na nakatanan, na nangaiwan sa pagkabihag, at tungkol sa Jerusalem.
3 At sinabi nila sa akin, Ang nalabi na naiwan sa pagkabihag doon sa lalawigan, ay nasa malaking kapighatian at kakutyaan: ang kuta naman sa Jerusalem ay nabagsak, at ang mga pintuang-bayan ay nangasunog sa apoy.
4 At nangyari, nang marinig ko ang mga salitang ito, na ako'y naupo at umiyak, at nanangis na ilang araw; at ako'y nagayuno, at dumalangin sa harap ng Dios ng langit.
5 At nagsabi, Aking idinadalangin sa iyo, Oh Panginoon, na Dios ng langit, na dakila at kakilakilabot na Dios, na nagiingat ng tipan at kaawaan sa nagsisiibig sa kaniya, at nangagiingat ng kaniyang mga utos:
6 Pakinggan ngayon ng iyong tainga, at idilat ang iyong mga mata, upang iyong dinggin ang dalangin ng iyong lingkod, na aking idinadalangin sa harap mo sa panahong ito, araw at gabi, dahil sa mga anak ni Israel na iyong mga lingkod, habang aking ipinahahayag ang mga kasalanan ng mga anak ni Israel, na aming ipinagkasala laban sa iyo. Oo, ako at ang sangbahayan ng aking magulang ay nagkasala:
7 Kami ay lubhang nagpakahamak laban sa iyo, at hindi nangagingat ng mga utos, o ng mga palatuntunan man, o ng mga kahatulan, na iyong iniutos sa iyong lingkod na kay Moises.
8 Alalahanin mo, isinasamo ko sa iyo, ang salita na iyong iniutos sa iyong lingkod na kay Moises, na sinasabi, Kung kayo'y magsisalangsang, aking pangangalatin kayo sa lahat na bayan:
9 Nguni't kung kayo'y magsibalik sa akin, at ingatan ninyo ang aking mga utos, at gawin, bagaman ang nangatapon sa inyo ay nasa kaduluduluhang bahagi ng mga langit, akin ngang pipisanin sila mula roon, at dadalhin ko sila sa dakong aking pinili upang patahanin doon ang aking pangalan.
10 Ang mga ito nga'y ang iyong mga lingkod at ang iyong bayan, na iyong tinubos sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan, at sa pamamagitan ng iyong malakas na kamay.
11 Oh Panginoon, isinasamo ko sa iyo, pakinggan ngayon ng inyong pakinig ang dalangin ng iyong lingkod, at ang dalangin ng iyong mga lingkod, na nangasasayahang matakot sa iyong pangalan: at paginhawahin mo, isinasamo ko sa iyo, ang iyong lingkod sa araw na ito, at pagkalooban mo siya ng kaawaan sa paningin ng lalaking ito. (Ngayo'y tagahawak ako ng saro ng hari.)