Kabanata 20
1 At nangyari sa panahon ng pagpihit ng taon, sa panahong ang mga hari ay nagsisilabas sa pakikipagbaka, na pinatnubayan ni Joab ang hukbo, at sinira ang lupain ng mga anak ni Ammon, at naparoon at kinubkob ang Rabba. Nguni't si David ay naghintay sa Jerusalem. At sinaktan ni Joab ang Rabba, at sinira.
2 At kinuha ni David ang putong ng kanilang hari sa ibabaw ng kaniyang ulo, at nasumpungang may timbang na isang talentong ginto, at may mga mahalagang bato roon: at naputong sa ulo ni David: at kaniyang inilabas ang samsam sa bayan, na totoong marami.
3 At kaniyang inilabas ang bayan na nandoon, at pinutol sila ng mga lagari, at ng mga suyod na bakal, at ng mga palakol. At ganito ang ginawa ni David sa lahat ng mga bayan ng mga anak ni Ammon. At si David at ang buong bayan ay bumalik sa Jerusalem.
4 At nangyari, pagkatapos nito, na nagkaroon ng pagdidigma sa Gezer laban sa mga Filisteo: nang magkagayo'y pinatay ni Sibbecai na Husathita si Sippai, sa mga anak ng mga higante; at sila'y sumuko.
5 At nagkaroon uli ng pakikipagdigma laban sa mga Filisteo; at pinatay ni Elhanan na anak ni Jair si Lahmi na kapatid ni Goliath na Getheo, na ang puluhan ng sibat niya ay gaya ng panghabi ng manghahabi.
6 At nagkaroon uli ng pagdidigma sa Gath, na doo'y may isang lalaking may malaking bulas, na ang mga daliri ng kamay at paa ay dalawangpu't apat, anim sa bawa't kamay at anim sa bawa't paa; at siya rin nama'y ipinanganak sa higante.
7 At nang kaniyang hamunin ang Israel, pinatay siya ni Jonathan na anak ni Sima na kapatid ni David.
8 Ang mga ito ang ipinanganak sa higante sa Gath, at sila'y nangabuwal sa pamamagitan ng kamay ni David, at sa pamamagitan ng kamay ng mga lingkod niya.