Kabanata 24
1 At ang galit ng Panginoon ay nagalab uli laban sa Israel, at kaniyang kinilos si David laban sa kanila, na sinabi, Ikaw ay yumaon, iyong bilangin ang Israel at Juda.
2 At sinabi ng hari kay Joab na puno ng hukbo, na kasama niya, Magparoo't parito ka nga sa lahat ng mga lipi ng Israel, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, at bilangin ninyo ang bayan, upang aking maalaman ang kabuoan ng bayan.
3 At sinabi ni Joab sa hari, Ngayo'y dagdagan ng Panginoon mong Dios ang bayan, sa gaano man karami sila, ng makaisang daan pa; at makita ng mga mata ng aking panginoon na hari: nguni't bakit nalulugod ang panginoon ko na hari sa bagay na ito?
4 Gayon ma'y ang salita ng hari ay nanaig laban kay Joab, at laban sa mga puno ng hukbo. At si Joab at ang mga puno ng hukbo ay nagsilabas mula sa harapan ng hari upang bilangin ang bayan ng Israel.
5 At sila'y nagsitawid ng Jordan, at nagsihantong sa Aroer sa dakong kanan ng bayan na nasa gitna ng libis ng Gad, at sa Jazer:
6 Saka sila nagsiparoon sa Galaad, at sa lupain ng Tatimhodsi; at sila'y nagsidating sa Dan-jaan at sa palibot hanggang sa Sidon.
7 At nagsiparoon sa katibayan ng Tiro, at sa lahat ng mga bayan ng mga Heveo, at ng mga Cananeo; at sila'y nagsilabas sa timugan ng Juda, sa Beer-seba.
8 Sa gayon nang sila'y makapagparoo't parito na, sa buong lupain, ay nagsiparoon sila sa Jerusalem sa katapusan ng siyam na buwan at dalawang pung araw.
9 At ibinigay ni Joab sa hari ang bilang ng pagkabilang sa bayan; at mayroon sa Israel na walong daang libo na matapang na lalake na nagsisihawak ng tabak; at ang mga tao sa Juda ay limang daang libong lalake.
10 At ang puso ni David ay sinaktan niya pagkatapos na kaniyang nabilang ang bayan. At sinabi ni David sa Panginoon, Ako'y nagkasala ng malaki sa aking nagawa: nguni't ngayo'y isinasamo ko sa iyo na iyong pawiin ang kasamaan ng iyong lingkod; sapagka't aking ginawa ng buong kamangmangan.
11 At nang bumangon si David sa kinaumagahan, ang salita ng Panginoon ay dumating sa propeta Gad na tagakita ni David, na sinasabi,
12 Ikaw ay yumaon at salitain mo kay David, Ganito ang sabi ng Panginoon, Pinagpapalagayan kita ng tatlong bagay; pumili ka ng isa sa mga yaon upang aking magawa sa iyo.
13 Sa gayo'y naparoon si Gad kay David, at nagsaysay sa kaniya: at nagsabi sa kaniya, Darating ba sa iyo ang pitong taon na kagutom sa iyong lupain? o tatakas ka bang tatlong buwan sa harap ng iyong mga kaaway samantalang hinahabol ka nila? o magkakaroon ba ng tatlong araw na pagkasalot sa iyong lupain? ngayo'y muniin mo, at dilidilihin mo kung anong kasagutan ang aking ibabalik doon sa nagsugo sa akin.
14 At sinabi ni David kay Gad, Ako'y nasa totoong kagipitan: mahulog tayo ngayon sa kamay ng Panginoon; sapagka't ang kaniyang mga kaawaan ay dakila: at huwag akong mahulog sa kamay ng tao.
15 Sa gayo'y nagsugo ang Panginoon ng salot sa Israel mula sa umaga hanggang sa takdang panahon: at namatay sa bayan mula sa Dan hanggang sa Beer-seba ay pitong pung libong lalake.
16 At nang iunat ng anghel ang kaniyang kamay sa dakong Jerusalem upang gibain ay nagsisi ang Panginoon sa kasamaan, at sinabi sa anghel na lumipol ng bayan, Siya na; ngayo'y itigil mo ang iyong kamay. At ang anghel ng Panginoon ay nasa giikan ni Arauna na Jebuseo.
17At nagsalita si David sa Panginoon, nang kaniyang makita ang anghel na sumakit sa bayan, at nagsabi, Narito, ako'y nagkasala, at ako'y gumawa ng kalikuan; nguni't ang mga tupang ito, ano ang ginawa? isinasamo ko sa iyo na ang iyong kamay ay maging laban sa akin, at laban sa sangbahayan ng aking ama.
18At si Gad ay naparoon sa araw na yaon kay David, at nagsabi sa kaniya, Ikaw ay yumaon, magtayo ka ng isang dambana sa Panginoon sa giikan ni Arauna na Jebuseo.
19At si David ay umahon ayon sa sinabi ni Gad, kung paanong iniutos ng Panginoon.
20At tumanaw si Arauna, at nakita ang hari, at ang kaniyang mga lingkod na nagsisilapit sa kaniya; at si Arauna ay lumabas at nagpatirapa sa harap ng hari.
21At sinabi ni Arauna: Bakit ang aking panginoon na hari ay naparito sa kaniyang lingkod? At sinabi ni David, Upang bilhin ang giikan sa iyo, na mapagtayuan ng isang dambana sa Panginoon, upang ang salot ay magtigil sa bayan.
22At sinabi ni Arauna kay David, Kunin ng aking panginoon na hari, at ihandog kung ano ang inaakala niyang mabuti: narito, ang mga baka na panghandog na susunugin, at ang mga kagamitan sa giikan at ang mga pamatok ng mga baka na pang kahoy:
23Ang lahat na ito, Oh hari, ibinibigay ni Arauna sa hari. At sinabi ni Arauna sa hari, Tanggapin ka nawa ng Panginoon mong Dios.
24At sinabi ng hari kay Arauna, Huwag; kundi katotohanang bibilhin ko sa iyo sa halaga: hindi nga ako maghahandog ng mga handog na susunugin sa Panginoon kong Dios na hindi nagkahalaga sa akin ng anoman. Sa gayo'y binili ni David ang giikan at ang mga baka ng limang pung siklong pilak.
25At nagtayo roon si David ng isang dambana sa Panginoon, at naghandog ng mga handog na susunugin at ng mga handog tungkol sa kapayapaan. Sa gayo'y nadalanginan ang Panginoon dahil sa lupain, at ang salot ay tumigil sa Israel.