Kabanata 3
1 At sinabi sa kaniya ni Noemi na kaniyang biyanan, Anak ko, hindi ba kita ihahanap ng kapahingahan, na ikabubuti mo?
2 At ngayo'y wala ba rito si Booz na ating kamaganak, na ang kaniyang mga alila ay siya mong kinasama? Narito, kaniyang pahahanginan ang sebada ngayong gabi sa giikan.
3 Maligo ka nga, at magpahid ka ng langis, at magbihis ka at bumaba ka sa giikan: nguni't huwag kang pakilala sa lalake, hanggang siya'y makakain at makainom.
4 At mangyayari, paghiga niya, na iyong tatandaan ang dakong kaniyang hihigaan, at ikaw ay papasok, at iyong alisan ng takip ang kaniyang mga paa, at mahiga ka; at sasabihin niya sa iyo kung ano ang iyong gagawin.
5 At sinabi niya sa kaniya, Lahat ng iyong sinasabi sa akin ay aking gagawin.
6 At siya'y bumaba sa giikan, at ginawa niya ang ayon sa buong iniutos sa kaniya ng kaniyang biyanan.
7 At nang si Booz ay makakain at makainom, at ang kaniyang puso'y maligayahan, siya'y yumaong nahiga sa dulo ng bunton ng trigo; at siya'y naparoong marahan, at inalisan ng takip ang kaniyang mga paa, at siya'y nahiga.
8 At nangyari, sa hating gabi, na ang lalake ay natakot at pumihit: at, narito, isang babae ay nakahiga sa kaniyang paanan.
9 At sinabi niya, Sino ka? At siya'y sumagot, Ako'y si Ruth, na iyong lingkod: iladlad mo nga ang iyong kumot sa iyong lingkod; sapagka't ikaw ay malapit na kamaganak.
10 At kaniyang sinabi, Pagpalain ka nawa ng Panginoon, anak ko: ikaw ay nagpakita ng higit na kagandahang loob sa huli kay sa ng una, sa hindi mo pagsunod sa mga bagong tao maging sa dukha o sa mayaman.
11 At ngayon, anak ko, huwag kang matakot; gagawin ko sa iyo ang lahat na iyong sinasabi, sapagka't buong bayan ng aking bayan ay nakakaalam na ikaw ay isang babaing may bait.
12 At tunay nga na ako'y kamaganak na malapit; gayon man ay may kamaganak na lalong malapit kay sa akin.
13 Maghintay ka ngayong gabi, at mangyayari sa kinaumagahan, na kung kaniyang tutuparin sa iyo ang bahagi ng pagkakamaganak, ay mabuti; gawin niya ang bahagi ng pagkakamaganak: nguni't kundi niya gagawin ang bahagi ng pagkakamaganak sa iyo, ay gagawin ko nga ang bahagi ng pagkakamaganak sa iyo, kung paano ang Panginoon ay nabubuhay: mahiga ka nga hanggang kinaumagahan.
14 At siya'y nahiga sa kaniyang paanan hanggang kinaumagahan: at siya'y bumangong maaga bago magkakilala ang isa't isa. Sapagka't kaniyang sinabi, Huwag maalaman na ang babae ay naparoon sa giikan.
15 At kaniyang sinabi, Dalhin mo rito ang balabal na nasa ibabaw mo at hawakan; at hinawakan niya; at siya'y tumakal ng anim na takal na sebada, at isinunong sa kaniya; at siya'y pumasok sa bayan.
16 At nang siya'y pumaroon sa kaniyang biyanan, ay sinabi niya, Ano nga, anak ko? At isinaysay niya sa kaniya ang lahat na ginawa sa kaniya ng lalake.
17At sinabi niya, Ang anim na takal na sebadang ito ay ibinigay niya sa akin; sapagka't kaniyang sinabi, Huwag kang pumaroong walang dala sa iyong biyanan.
18Nang magkagayo'y sinabi niya, Maupo kang tahimik, anak ko, hanggang sa iyong maalaman kung paanong kararatnan ng bagay: sapagka't ang lalaking yaon ay hindi magpapahinga, hanggang sa kaniyang matapos ang bagay sa araw na ito.