Kabanata 8

1 At sinabi ng mga lalake ng Ephraim sa kaniya, Bakit ginawa mo sa amin ang ganyan, na hindi mo kami tinawag nang ikaw ay yumaong makipaglaban sa Madian? At siya'y pinagwikaan nilang mainam.
2 At sinabi niya sa kanila, Ano ang aking ginawa ngayon na paris ng inyo? Di ba mainam ang pagsimot ng ubas ng Ephraim kay sa pagaani ng sa Abiezer?
3 Ibinigay ng Dios sa inyong kamay ang mga prinsipe sa Madian, si Oreb, at si Zeeb, at ano ang aking magagawa na paris ng inyo? Nang magkagayo'y ang kanilang galit sa kaniya ay lumamig, nang kaniyang sabihin yaon.
4 At si Gedeon ay dumating sa Jordan, at siya'y tumawid, siya, at ang tatlong daang lalake na mga kasama niya, mga pagod na, ay humahabol pa.
5 At sinabi niya sa mga lalake sa Succoth, Isinasamo ko sa inyo na bigyan ninyo ng mga tinapay ang bayan na sumusunod sa akin; sapagka't sila'y mga pagod, at aking hinahabol si Zeba at si Zalmunna, na mga hari sa Madian.
6 At sinabi ng mga prinsipe sa Succoth, Nasa iyo na bang kamay ngayon ang mga kamay ni Zeba at ni Zalmunna, upang bigyan namin ng tinapay ang iyong hukbo?
7 At sinabi ni Gedeon, Kaya, pagka ibinigay ng Panginoon, si Zeba at si Zalmunna sa aking kamay, ay akin ngang gagalusan ang inyong laman ng mga tinik sa ilang at ng mga dawag.
8 At inahon niya mula roon ang Penuel, at siya'y nagsalita sa kanila ng gayon din: at sinagot siya ng mga lalake sa Penuel na gaya ng isinagot ng mga lalake sa Succoth.
9 At sinalita niya naman sa mga lalake sa Penuel, na sinasabi, Pagbabalik kong payapa, ay aking ilalagpak ang moog na ito.
10 Ngayo'y si Zeba at si Zalmunna ay nasa Carcor, at ang kanilang mga hukbo na kasama nila, na may labing limang libong lalake, yaong lahat na nalabi sa buong hukbo ng mga anak sa silanganan: sapagka't nabuwal ang isang daan at dalawang pung libong lalake na humahawak ng tabak.
11 At si Gedeon ay umahon sa daan ng mga tumatahan sa mga tolda sa silanganan ng Noba at Jogbea, at sinaktan ang hukbo; sapagka't ang hukbo ay tiwasay.
12 At si Zeba at si Zalmunna ay tumakas; at kaniyang hinabol sila: at kaniyang hinuli ang dalawang hari sa Madian, na si Zeba at si Zalmunna, at nalito ang buong hukbo.
13 At tinalikdan ni Gedeon na anak ni Joas ang pagbabaka, mula sa sampahan sa Heres.
14 At hinuli niya ang isang may kabataan sa mga lalake sa Succoth, at nagusisa siya sa kaniya: at ipinaalam sa kaniya ang mga prinsipe sa Succoth, at ang mga matanda niyaon na pitong pu't pitong lalake.
15 At sila'y naparoon sa mga lalake sa Succoth, at sinabi, Narito si Zeba at si Zalmunna, na tungkol sa kanila, ay inyo akong tinuya na inyong sinasabi, Nasa iyo na bang kamay ngayon ang mga kamay ni Zeba at ni Zalmunna, upang bigyan namin ng tinapay ang iyong mga lalake na mga pagod?
16 At kaniyang kinuha ang mga matanda sa bayan, at mga tinik sa ilang at mga dawag, at sa pamamagitan ng mga yaon ay kaniyang tinuruan ang mga lalake sa Succoth.
17At kaniyang inilagpak ang moog ng Penuel, at pinatay ang mga lalake sa bayan.
18Nang magkagayo'y kaniyang sinabi kay Zeba at kay Zalmunna. Anong mga lalake yaong inyong pinatay sa Tabor? At sila'y sumagot, Kung ano ikaw ay gayon sila; bawa't isa'y nahuhuwad sa mga anak ng isang hari.
19At kaniyang sinabi, Sila'y aking mga kapatid, na mga anak ng aking ina: buhay ang Panginoon, kung inyong iniligtas sana silang buhay, disin hindi ko kayo papatayin.
20At sinabi niya kay Jether na kaniyang panganay, Bangon, at patayin mo sila. Nguni't ang bata'y hindi humawak ng tabak: sapagka't siya'y natakot, dahil sa siya'y bata pa.
21Nang magkagayo'y sinabi ni Zeba at ni Zalmunna, Bumangon ka, at daluhungin mo kami: sapagka't kung paano ang pagkalalake ay gayon ang kaniyang lakas. At bumangon si Gedeon, at pinatay si Zeba at si Zalmunna, at kinuha ang mga pahiyas na may anyong kalahating buwan na nasa mga leeg ng kanilang mga kamelyo.
22Nang magkagayo'y sinabi ng mga lalake ng Israel kay Gedeon, Magpuno ka sa amin ngayon, ikaw at ang iyong anak, sapagka't iniligtas mo kami sa kamay ng Madian.
23At sinabi ni Gedeon sa kanila, Hindi ako magpupuno sa inyo, o magpupuno man ang aking anak sa inyo: ang Panginoon ang magpupuno sa inyo.
24At sinabi ni Gedeon sa kanila, Hangad ko ang isang kahilingan sa inyo, na bigyan ako ng bawa't isa sa inyo ng mga hikaw na kaniyang samsam. (Sapagka't sila'y may mga gintong hikaw, dahil sa sila'y mga Ismaelita.)
25At sumagot sila, Ibibigay namin ng buong pagibig. At sila'y naglatag ng isang balabal, at inilagay roon ng bawa't isa ang mga hikaw na kaniyang samsam.
26At ang timbang ng mga gintong hikaw na kaniyang hiniling, ay isang libo at pitong daang siklong ginto; bukod pa ang mga pahiyas na may anyong kalahating buwan, at ang mga hikaw at ang mga damit na morado na suot ng mga hari sa Madian, at bukod pa ang mga tanikala na nangasa leeg ng mga kamelyo.
27At ginawang epod ni Gedeon at inilagay sa kaniyang bayan, sa makatuwid baga'y sa Ophra: at ang buong Israel ay naparoroon na sumasamba sa kaniya roon: at siyang naging ikinasilo ni Gedeon at ng kaniyang sangbahayan.
28Gayon napasuko ang Madian sa harap ng mga anak ni Israel, at hindi na nila itinaas pa ang kanilang ulo. At ang lupain ay nagpahingang apat na pung taon sa mga araw ni Gedeon.
29At si Jerobaal na anak ni Joas ay yumaon at tumahan sa kaniyang sariling bahay.
30At nagkaroon si Gedeon ng pitong pung anak na lumabas sa kaniyang mga balakang: sapagka't siya'y mayroong maraming asawa.
31At ang kaniyang babae na nasa Sichem ay nagkaanak naman sa kaniya ng isang lalake, at kaniyang tinawag ang pangalan na Abimelech.
32At namatay si Gedeon na anak ni Joas na may mabuting katandaan at inilibing sa libingan ni Joas na kaniyang ama, sa Ophra ng mga Abiezerita.
33At nangyari, pagkamatay ni Gedeon, na ang mga anak ni Israel ay bumalik at sumamba sa mga Baal, at ginawang kanilang dios ang Baal-berith.
34At hindi naalaala ng mga anak ni Israel ang Panginoon nilang Dios, na siyang nagpapaging laya sa kanila sa kamay ng lahat nilang mga kaaway sa buong palibot:
35O gumanti man lamang ng kagandahang loob sa sangbahayan ni Jerobaal, na siyang Gedeon ayon sa lahat ng kabutihan na kaniyang ipinakita sa Israel.