Kabanata 4
1 At nangyari nang nakatawid na lubos sa Jordan ang buong bansa, na ang Panginoon ay nagsalita kay Josue, na nagsasabi,
2 Kumuha ka ng labing dalawang lalake sa bayan, na isa sa bawa't lipi,
3 At iutos ninyo sa kanila, na sabihin, Kumuha kayo mula rito sa gitna ng Jordan, mula sa dakong tinatayuang matatag ng mga paa ng mga saserdote, ng labing dalawang bato, at dalhin ninyo, at ilapag ninyo sa tigilang dako, na inyong tutuluyan sa gabing ito.
4 Nang magkagayo'y tinawag ni Josue ang labing dalawang lalake, na kaniyang inihanda sa mga anak ni Israel, na isang lalake sa bawa't lipi.
5 At sinabi ni Josue sa kanila, Dumaan kayo sa harap ng kaban ng Panginoon ninyong Dios sa gitna ng Jordan, at pasanin ng bawa't isa sa inyo ang isang bato sa kaniyang balikat, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel;
6 Upang ito'y maging pinaka tanda sa gitna ninyo, na pagka itinanong ng inyong mga anak sa panahong darating, na sasabihin, Anong kahulugan sa inyo ng mga batong ito?
7 At inyo ngang sasabihin sa kanila, Sapagka't ang tubig ng Jordan ay nahawi sa harap ng kaban ng tipan ng Panginoon; nang magdaan yaon sa Jordan, ay nahawi ang tubig sa Jordan: at ang mga batong ito ay magiging pinaka alaala sa mga anak ni Israel magpakailan man.
8 At ginawang gayon ng mga anak ni Israel gaya ng iniutos ni Josue, at pumasan ng labing dalawang bato mula sa gitna ng Jordan, gaya ng sinalita ng Panginoon kay Josue, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel; at kanilang dinala sa dakong kanilang tutuluyan, at inilapag doon.
9 At si Josue ay nagpabunton ng labing dalawang bato sa gitna ng Jordan, sa dakong tinayuan ng mga saserdote na nagdadala ng kaban ng tipan: at nangandoon, hanggang sa araw na ito.
10 Sapagka't ang mga saserdote na nagdadala ng kaban ay tumayo sa gitna ng Jordan, hanggang sa natapos ang bawa't bagay na iniutos ng Panginoon kay Josue na salitain sa bayan, ayon sa buong iniutos ni Moises kay Josue: at ang bayan ay nagmadali at tumawid.
11 At nangyari nang nakatawid na lubos ang buong bayan, na ang kaban ng Panginoon ay itinawid at ang mga saserdote sa harap ng bayan.
12 At ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahati ni Manases, ay dumaang may sandata sa harap ng mga anak ni Israel, gaya ng salita ni Moises sa kanila:
13 May apat na pung libo na nasasakbatang handa sa pakikidigma ang dumaan sa harap ng Panginoon na patungo sa pakikibaka, sa mga kapatagan ng Jerico.
14 Nang araw na yaon ay pinadakila ng Panginoon si Josue sa paningin ng buong Israel; at sila'y natakot sa kaniya, gaya ng kanilang pagkatakot kay Moises, sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.
15 At ang Panginoon ay nagsalita kay Josue, na sinasabi,
16 Iutos mo sa mga saserdote na nagdadala ng kaban ng patotoo, na sila'y sumampa mula sa Jordan.
17Nagutos nga si Josue sa mga saserdote, na sinasabi, Umahon kayo mula sa Jordan.
18At nangyari, nang umahon mula sa gitna ng Jordan ang mga saserdote na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, at nang matungtong sa tuyong lupa ang mga talampakan ng mga paa ng mga saserdote, na ang tubig ng Jordan ay nanauli sa kanilang dako, at umapaw sa pangpang na gaya ng dati.
19At ang bayan ay umahon mula sa Jordan nang ikasangpung araw ng unang buwan, at humantong sa Gilgal, sa hangganang silanganan ng Jerico.
20At yaong labing dalawang bato, na kanilang kinuha sa Jordan, ay ibinunton ni Josue sa Gilgal.
21At siya'y nagsalita sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Pagka itatanong ng inyong mga anak sa kanilang mga magulang sa panahong darating, na sasabihin, Anong kahulugan ng mga batong ito?
22Ay inyo ngang ipatatalastas sa mga anak ninyo, na sasabihin, Ang Israel ay tumawid sa Jordang ito sa tuyong lupa.
23Sapagka't tinuyo ng Panginoon ninyong Dios ang tubig ng Jordan sa harap ninyo, hanggang sa kayo'y nakatawid, gaya ng ginawa ng Panginoon ninyong Dios sa Dagat na Mapula, na kaniyang tinuyo sa harap namin, hanggang sa kami ay nakatawid;
24Upang makilala ng lahat na mga bayan sa lupa ang kamay ng Panginoon, na makapangyarihan; upang sila'y matakot sa Panginoon ninyong Dios magpakailan man.