Kabanata 16

1 At kanilang ipinasok ang kaban ng Dios, at inilagay sa gitna ng tolda na itinayo ni David para roon: at sila'y nagsipaghandog ng mga handog na susunugin, at mga handog tungkol sa kapayapaan sa harap ng Dios.
2 At nang si David ay makatapos na maghandog ng handog na susunugin at ng mga handog tungkol sa kapayapaan, ay kaniyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng Panginoon.
3 At siya'y nagbigay sa bawa't isa sa Israel, sa lalake at gayon din sa babae, sa bawa't isa ng isang tinapay, at ng isang bahaging laman, at isang binilong pasas.
4 At siya'y naghalal ng ilan sa mga Levita upang magsipangasiwa sa harap ng kaban ng Panginoon, at upang magsipagdiwang at mangagpasalamat, at mangagpuri sa Panginoon, sa Dios ng Israel:
5 Si Asaph ang pinuno, at ang ikalawa niya'y si Zacharias, si Jeiel, at si Semiramoth, at si Jehiel, at si Eliab, at si Benaias, at si Obed-edom, at si Jeiel, na may mga salterio at mga alpa; at si Asaph na may mga simbalo, na tumutunog ng malakas;
6 At si Benaias at si Jahaziel na mga saserdote na mga may pakakak na palagi, sa harap ng kaban ng tipan ng Dios.
7 Nang magkagayo'y nang araw na yao'y unang iniutos ni David ang magpasalamat sa Panginoon, sa pamamagitan ng kamay ni Asaph at ng kaniyang mga kapatid.
8 Oh kayo'y mangagpasalamat sa Panginoon, magsitawag kayo sa kaniyang pangalan; Ipakilala ninyo sa mga bayan ang kaniyang mga gawa.
9 Magsiawit kayo sa kaniya, magsiawit kayo ng mga pagpuri sa kaniya; Salitain ninyo ang lahat niyang mga kamanghamanghang gawa.
10 Mangagpakaluwalhati kayo sa kaniyang banal na pangalan: Mangagalak ang puso niyaong nagsisihanap sa Panginoon.
11 Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kaniyang lakas; Hanapin ninyo ang kaniyang mukha na palagi.
12 Alalahanin ninyo ang kaniyang kamanghamanghang mga gawa na kaniyang ginawa; Ang kaniyang mga kababalaghan, at ang mga kahatulan ng kaniyang bibig;
13 Oh kayong binhi ng Israel na kaniyang lingkod, Kayong mga anak ni Jacob na kaniyang pinili.
14 Siya ang Panginoon nating Dios; Ang kaniyang mga kahatulan ay nasa sangkalupaan.
15 Alalahanin ninyo ang kaniyang tipan magpakailan man, Ang salita na kaniyang iniutos sa libolibong sali't saling lahi;
16 Ang tipan na kaniyang ginawa kay Abraham, At ang kaniyang sumpa kay Isaac:
17At pinatotohanan din kay Jacob na pinaka palatuntunan, Kay Israel na pinaka walang hanggang tipan:
18Na sinasabi, Sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan, Ang kapalaran ng inyong mana:
19Noong kayo'y kakaunting tao sa bilang; Oo, totoong kaunti, at nangakikipamayan doon;
20At sila'y nagsiyaon sa bansa at bansa, At mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.
21Hindi niya tiniis na gawan sila nino man ng kasamaan; Oo, kaniyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila;
22Na sinasabi, Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran ng langis, At huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.
23Kayo'y magsiawit sa Panginoon, buong lupa, Ihayag ninyo ang kaniyang pagliligtas sa araw-araw.
24Ipahayag ninyo ang kaniyang kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa, Ang kaniyang mga kamanghamanghang gawa sa gitna ng lahat ng mga bayan.
25Sapagka't dakila ang Panginoon, at marapat na purihing mainam: Siya rin nama'y marapat na katakutan ng higit sa lahat na dios.
26Sapagka't lahat ng dios ng mga bayan ay mga diosdiosan: Nguni't nilikha ng Panginoon ang mga langit.
27Karangalan at kamahalan ang nangasa harap niya: Kalakasan at kasayahan ang nangasa kaniyang tahanan.
28Mangagbigay kayo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan, Mangagbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at ng kalakasan.
29Inyong ibigay sa Panginoon ang kaluwalhatiang marapat sa kaniyang pangalan: Mangagdala kayo ng handog, at magsiparoon kayo sa harap niya: Inyong sambahin ang Panginoon sa ganda ng kabanalan.
30Manginig sa harap niya ang buong lupa: Ang sanglibutan nama'y natatatag na hindi makikilos.
31Mangagsaya ang mga langit, at magalak ang lupa; At sabihin nila sa gitna ng mga bansa, Ang Panginoon ay naghahari.
32Umugong ang dagat at ang kapunuan niyaon; Matuwa ang parang at ang lahat na nandoon;
33Kung magkagayo'y aawit ang mga puno ng kahoy sa gubat dahil sa kagalakan sa harap ng Panginoon, Sapagka't siya'y naparirito upang hatulan ang lupa.
34Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti: Sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man.
35At sabihin ninyo, Iligtas mo kami, Oh Dios ng aming kaligtasan, At pisanin mo kami, at iligtas mo kami sa mga bansa, Upang kami ay pasalamat sa iyong banal na pangalan, At magtagumpay sa iyong kapurihan.
36Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, Mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan. At sinabi ng buong bayan, Siya nawa: at pinuri ang Panginoon.
37Sa gayo'y iniwan niya roon sa harap ng kaban ng tipan ng Panginoon, si Asaph at ang kaniyang mga kapatid upang magsipangasiwang palagi sa harap ng kaban, gaya ng kinakailangan ng gawain sa araw-araw:
38At si Obed-edom pati ng kanilang mga kapatid, ay anim na pu't walo; si Obed-edom din na anak ni Jeduthun at si Asa ay upang maging mga tagatanod-pinto:
39At si Sadoc na saserdote, at ang kaniyang mga kapatid na mga saserdote, sa harap ng tabernakulo ng Panginoon sa mataas na dako na nasa Gabaon,
40Upang maghandog na palagi ng mga handog na susunugin sa Panginoon sa ibabaw ng dambana ng handog na susunugin sa umaga at hapon, ayon sa lahat na nangasusulat sa kautusan ng Panginoon na kaniyang iniutos sa Israel;
41At kasama nila si Heman at si Jeduthun, at ang nalabi sa mga pinili, na nangasaysay sa pangalan upang pasalamat sa Panginoon, sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man;
42At kasama nila si Heman at si Jeduthun na may mga pakakak at mga simbalo sa mangagpapatunog ng malakas, at mga may panugtog sa mga awit sa Dios: at ang mga anak ni Jeduthun upang mangalagay sa pintuang-daan.
43At ang buong bayan ay nagsiuwi bawa't tao sa kanikaniyang bahay: at si David ay bumalik upang basbasan ang kaniyang sangbahayan.